332 total views
Mga Kapanalig, sa loob lang ng pitong minuto, aprubado na ng House Committee on Appropriations ang siyam na bilyong pisong badyet ng Office of the President (o OP) para sa susunod na taon. Halos kalahati ng badyet na ito ay confidential at intelligence funds. Ibig sabihin, hindi kailangang ipaliwanag ng opisina ng presidente kung saan-saan gagamitin ang pondong ipagkakaloob dito.
Sa mabilis na pag-apruba, walang pagkakataong siyasatin ng ibang mambabatas ang badyet. Matapos ang welcome speech ni House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co ng Ako Bicol Party-list, agad na nag-motion si House Majority Leader at Zamboanga Second District Representative Manuel Dalipe na tapusin ang deliberasyon. Sa katunayan, hindi na nga pinagpresenta ng badyet ng OP si Executive Secretary Vic Rodriguez. Uusad na ang badyet ng OP sa plenaryo ng General Appropriations Bill kung saan mayroon pang pagkakataong siyasatin ito.
Hindi na bago ang paspasang pag-apruba sa badyet ng opisina ng pangulo. Sa nakaraang administrasyon, naging gawi na rin ito ng mga kongresista. Madalas nilang katwiran, magkakapantay o co-equal naman daw ang mga sangay ng pamahalaan. Mariin namang kinundena ng ilang kongresista, partikular na ng Makabayan bloc, ang tinawag nilang “blind approval” ng badyet na mayroon ngang halos limang bilyong confidential at intelligence funds.
Bagamat ayaw din natin ng mabagal na pamamahala, hindi makatwiran ang mabilisang pag-apruba sa badyet ng opisina ng presidente. Tungkulin ng Kongresong siyasatin ang inihahaing badyet at bantayan kung saan-saan gagamitin ang kaban ng bayan. Bahagi ng tinatawag na checks and balances sa pamahalaan ang pagtupad ng Kongreso sa responsibilidad nitong papanagutin ang ehekutibo sa kung paano nito gagamitin ang pondo nito. Nakalulungkot ding hindi nagdalawang-isip ang mga kongresistang bigyan ng bilyun-bilyong badyet ang OP kahit hindi nila alam kung saan ito gagamitin, samantalang ang Philippine General Hospital, na takbuhan ng mahihirap nating kababayang may sakit, ay binawasan ng badyet.
Hindi na tayo magtataka kung ganito rin ang mangyayari sa pagdinig sa dalawang bilyong badyet na inihain ng Office of the Vice President (o OVP). Ang badyet proposal ng OVP ay halos triple ng mga nagdaang badyet ng opisina sa nakaraang administrasyon. Tinataya ring nasa limandaang milyong piso ang confidential funds ng OVP.[4] Sa gitna ng tumataginting na halos labintatlong trilyong pisong utang ng Pilipinas at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, marami ang nababahala sa mabilis na pag-apruba sa nakalululang badyet.
Naniniwala ang Simbahang ang tunay na demokrasya ay hindi lamang bunga ng pagsunod sa pormal na mga proseso at panuntunan. Bunga ito ng pagpapahalaga sa dignidad ng tao, pagrespeto sa karapatang pantao, at pagiging tapat natin sa tungkuling makamit ang kabutihang panlahat o common good. Kinikilala rin sa mga turo ng Simbahan ang hiwa-hiwalay na kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan at ang kahalagahan ng pagbalanse nila sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng pagpapanagot sa isa’t isa, napagtitibay ang rule of law. Samakatuwid, batas ang pamantayan ng pamamahala, hindi ang kung ano ang kagustuhan ng mga nakaluklok sa pamahalaan.
Hindi masasabing dumaan sa maayos na pagdinig ang badyet ng OP kung hindi ito nasiyasat o naipresenta man lamang sa publiko. Kailangan ang pagpapaliwanag, pagtatanong, at pagpapanagot sa bawat ahensya ng pamahalaan upang masigurong nagagamit nila sa wasto ang kaban ng bayan at hindi ito mapupunta sa katiwalian. Sabi nga ni Pope Francis, ang katiwalian ay pinagbabayaran ng mahihirap.
Mga Kapanalig, wika nga sa Efeso 4:25, “…itakwil natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa’t isa, sapagkat tayo’y bahagi ng iisang katawan.” Kung hindi gagampanan ng ating mga mambabatas ang tungkulin nilang pahalagahan ang katotohanan sa badyet ng gobyerno, tayo mismo ang aktibong magbantay sa kaban ng bayan.