320 total views
Mga Kapanalig, minsan na nating tinalakay sa isang editoryal ang banta ng quarrying at pagmimina sa Masungi Georeserve. Pero nitong nakaraang linggo, naging mas agresibo ang mga nais sumakop sa naturang conservation area na nakatago sa kagubatan ng bayan ng Baras sa probinsya ng Rizal.
Tahanan ng mahigit 400 na uri ng mga halaman at hayop, ang Masungi Georeserve ay nakilala noong dekada ’90 dahil sa talamak na pangangamkam ng lupa roon, iligal na pagtotroso, at banta ng malaking pag-quarry at pagmimina. Taóng 2000 nang nasimulan ang rehabilitasyon ng kagubatan. Unti-unting tumubo at lumaki ang mga puno at halaman. Nagkaroon ng iba’t ibang hayop o wildlife. Ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan ay naging bahagi at naisapuso na ng mga tagapagbantay doon.
Taóng 2017 naman nang sinimulan ang proyektong Masungi Geopark sa pangunguna ni dating DENR secretary at yumaong conservation advocate na si Gina Lopez. Nilayon ng proyektong ma-rehabilitate ang halos 2,700 na ektaryang lupang kinalbo at sinira sa paligid ng Masungi Georeserve at tuluyang ipahinto ang deforestation sa lugar. Binuksan din ang georeserve sa mga bisitang nais magkaroon ng malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa conservation area.
Kaya naman, nakababahala ang balita nitong nakaraang linggo na may mahigit tatlumpung armadong lalaking nagpakilalang mga security guards ang nagkampo sa paligid ng Masungi. Nakumpiska ng mga pulis sa kanila ang labinlimang hindi lisensyadong baril. Ang presenya ng mga nagpakilalang guwardiya ay paglabag ng Republic Act No. 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas System Act o NIPAS Act. Ngunit para sa Masungi Georeserve Foundation, na siyang nangangasiwa sa conservation site, tila akmang sasakupin ng mga armadong lalaki ang ekta-ektaryang lupa sa nasabing protected area. Gayunman, nang hingin ng foundation ang kanilang mga pangalan at contact numbers, tumanggi ang mga lalaki.
May kasunduan ang Masungi Georeserve Foundation sa pamahalaan para sa pangangasiwa ng lugar. Ngunit kung magtatagumpay ang mga nanghihimasok sa lugar at nais itong angkinin o buksan para sa mga mapanirang gawain katulad ng quarrying at logging, magiging malaking dagok ito sa proteksyon hindi lamang ng Masungi Georeserve kundi ng natitira pa nating mga kagubatan. Magiging malawak ang negatibong epekto nito hindi lamang sa mga karatig na komunidad kundi sa buong bansa lalo na’t nahaharap tayo sa matinding epekto ng climate change at walang patid na urbanisasyon.
Sa kanyang liham na Laudato Si’, binigyang-diin ni Pope Francis na ang anumang pinsalang ginagawa natin sa ating kapaligiran ay sumasalamin sa pagkasira ng ating relasyon sa Diyos at sa ating kapwa. Ang pinsalang ito ay nag-uugat sa maling pag-unawa natin sa pahayag ng Panginoon sa Genesis 1:28 kung saan winika Niya sa tao, “Magpakarami kayo at punuin Ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.” Ngunit ang hindi natin binibigyang-pansin ay ang katotohanang nasasaad sa na Genesis 2:15 na “inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.”
Sa patuloy na banta sa Masungi Georeserve, mukhang may mga puwersang handang masira ang ugnayang ito sa Diyos, tao, at kalikasan. Mabuti na lamang at nariyan ang mga nangangasiwa sa Masungi Georeserve, kasama ang matatapang na park rangers, na patuloy na nagmamalasakit sa kalikasan. Sa loob ng ilang taon, natulungan din nilang maiangat ang pamumuhay ng mga kalapit na komunidad.
Mga Kapanalig, dasal nating maging masigasig sana ang ating pamahalaan sa pagpapanagot sa mga tao at negosyong nais pagsamantalahan ang kalikasan. Bantayan natin ang mangyayari sa Masungi Georesrve.