267 total views
Ito ang hamon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care sa pamahalaan at sa simbahan hinggil sa lumalalang suliranin sa kalusugan ng kaisipan ng mga kabataan sa bansa.
Inihayag ni Father Dan Vicente Cancino, M.I. Executive Secretary ng komisyon, na lumabas sa Philippine Mental Health Status na isa sa limang mga Filipinong nasa hustong gulang ang mayroong psychiatric disorder.
Bukod dito, ikinababahala ng Pari ang 10 hanggang 15 porsyento ng mga Filipino na apektado ng Poor Mental Health ay mga batang mula sa edad 5 hanggang 15.
Ayon kay Father Cancino, isa ang depresyon sa nangungunang katangian ng mahinang kalusugang pangkaisipan.
Pangunahing sintomas. “Withdrawal from family and friends, sa mga nag-aaral pwedeng abrupt dropping of grades, changing patterns of sleep and eating, puwede yan large weight gain or large weight loss, and with so much grief over a lost love one. Ito rin ay dinudulot din ng illegal drug abuse, substance abuse. Kapag ikaw ay nahirapan on concentrating, remembering, making decisions, irritable ka yung anger mo there’s an outburst of anger, these are some symptoms of depression.”
Paliwanag ng pari labis ang nararanasang paghihirap ng kalooban ng mga taong may depresyon.
Napapaloob ang mga ito sa matinding kalungkutan, kawalang pag-asa, at kawalan ng kakayahang makadama ng kasiyahan.
Kaya naman naniniwala si Father Cancino na bukod sa medikal na atensyong kinakailangang ibigay ng pamahalaan ay malaki rin ang tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa pangangalaga sa mga kabataang pangunahing naaapektuhan ng depresyon, dahil kung mapababayaan ang sakit na ito at hindi ay maaari itong humantong sa suicide o pagpapakamatay.
“It needs medical attention, it needs really an attention. Hindi lang sa parte ng gobyerno pero sa simbahan din lalong-lalo na dahil marami tayong inaalagaang mga kabataan, at hindi lang ito gobyerno o simbahan pero dapat multi-sectoral yung approach dito. yung sinasabi nga natin, kung ikaw ay nagkakaroon ng mild depression for two weeks, kailangan humingi tayo ng tulong, kadalasan kapag ang depression ay hindi natugunan kaagad, if it is left untreated, depression can lead to suicide.” Pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Sa tala ng World Health Organization umaabot sa 800,000 tao ang nagpapakamatay kada taon na katumbas ng 40 tao sa bawat segundo.
Lumabas din sa kanilang pag-aaral na ito ang ikalawang sanhi ng pagkamatay ng mga indibidwal na nasa edad 15 hanggang 29.
Kaugnay dito, pinaalalahanan din ni Father Cancino ang bawat pamilya na maging sensitibo at obserbahang mabuti ang bawat miyembro nito upang agad na mabigyan ng tulong kung ang isa man ay dumaranas ng depresyon.
Naniniwala ang pari na mahalagang magkaroon ng “loving space” sa isang pamilya kung saan ang bawat miyembro ay malayang makapagpapahayag ng kanilang nadarama tulad ng takot, pangamba, o pagkalito.
“Importante tayo yung pinaka una dapat na magbukas at mag reach-out sa mga member ng family natin. Gumawa tayo ng espasyo, we create a loving space for them to be relieved of their emotional burdens, dapat magkaroon, magsalita sila, ipahayag nila kung ano yung kanilang nararamdaman,” dagdag pa ng pari.
Dagdag pa ng pari sa pamamagitan ng “loving space” ay maitataguyod din ang “culture of good communication”, at maiiwasan ang pagsasarili ng mga kabataan sa kanilang saloobin o ang paglalabas nito sa pamamagitan ng mga shout out sa social media, nang wala namang tunay na taong nakakausap.
Payo ni Father Cancino na ibalik ang dating kaugalian ng mga Filipino na pagkukwentuhan sa hapag-kainan at pagbabahagi ng kanilang naging karanasan sa trabaho o sa paaralan.