407 total views
Umaasa ang Phillippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na magiging malinaw sa mamamayan ang mandato ng Commission on Human Rights sa gitna ng patuloy na pagbatikos ng pamahalaan at mga kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Ms. Rose Trajano, Secretary General ng P-A-H-R-A, hindi ang mga krimen ang binabantayan ng C-H-R kundi ang pang-aabuso sa karapatang pantao ng mismong pamahalaan sa gitna ng obligasyon nitong igalang at bigyang dignidad ang buhay ng bawat mamamayan.
“Kailangang malinaw sa tao na ang gawain ng Commission on Human Rights ay hindi magbantay ng krimen, hindi yun ang iminomonitor nila, ang monomonitor nila ay yung mga pang-aabuso sa karapatang pantao ng government mismo kasi ang human rights ay obligasyon, ang pagre-respect, pagpo-protect at pag-fulfill ng human rights ng bawat Filipino ay obligasyon ng ating gobyerno kaya ang role talaga ng Commission on Human Rights ay bantayan ang gobyerno…”pahayag ni Trajano sa panayam sa Radio Veritas.
Naunang inihayag ni C-H-R Chairperson Jose Luis Martin Gascon na sana’y na ang kumisyon sa mga pahayag at banta ng Pangulo laban sa ahensiya.
Binuo ang Commission on Human Rights, matapos ang Martial Law noong 1987 sa ilalim ng Article 13, Section 17 at 18 ng Saligang Batas upang tiyaking hindi umaabuso at lumalabag ang pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno sa karapatang pantao ng bawat Filipino.
Kaugnay nito, mariin ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.(Reyn Letran)