447 total views
Mga Kapanalig, naging sunud-sunod ang mga cleanup drive sa Manila Bay at ang mga ilog at esterong dumadaloy doon. At asahan nating dadami pa ang ganitong mga gawaing may kaugnayan sa rehabilitasyon ng Manila Bay ngayong Abril, na itinalagang “Earth Month” dito sa Pilipinas sa bisa ng Proclamation No. 1482. “Earth Day” naman ang ika-22 ng Abril, isang araw na itinalaga ng pamahalaan upang ipaalam sa mga Pilipino ang tindi ng pagkasira ng ating kalikasan at upang ipaalala sa atin ang ating responsibilidad na pangalagaan ito.
Ngunit hindi lamang dapat natatapos sa ganitong mga gawain ang pagpapakita natin ng ating pagpapahalaga at pangangalaga sa kalikasan. Bilang mga mamamayan, tungkulin nating tiyaking naipatutupad ng pamahalaan ang mga batas-pangkalikasan, hindi lamang dahil dapat nila itong gawin kundi dahil may karapatan tayo sa isang masiglang kalikasan, at ang kalikasan din ay may angking karangalang dapat nating isanggalang laban sa mapanirang mga gawain at negosyo.
Halimbawa ng batas na ito ang Republic Act No. 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System Act o mas kilala sa tawag na E-NIPAS Act. Nilagdaan ito ni Pangulong Duterte noong Hunyo 2018. Tinawag itong “expanded” dahil pinalalawig nito ang umiiral na NIPAS Act of 1992 na nagbibigay-proteksyon sa 113 na protected areas o mga lugar—bahagi man ng kalupaan o karagatan—na dapat pangasiwaan ang angking biological diversity at pangalagaan laban sa mapaminsalang gawain ng tao. Pinapangalagaan ang mga protected areas dahil lubhang mahalaga ang mga ito sa pagpapatuloy ng buhay ng mga hayop, halaman, at maging ng mga tao. Gayunman, 13 lamang sa mga protected areas na saklaw ng NIPAS Law ang may hiwalay na batas na nagbibigay ng mas malakas na proteksyon sa mga lugar na ito.
Isinasailalim ng E-NIPAS Act sa pangangalaga ng pamahalaan ang karagdagang 94 na protected areas. Kung maipatutupad nang maayos, titiyaking may nakalaang pondo para sa mga programang magbabantay at mangangalaga sa mga protected areas. May karampatang parusa rin sa mga lalabag sa batas. Hinihintay na lamang na mabuo at mailathala ang implementing rules and regulations o IRR ng E-NIPAS Act upang tuluyan na itong maipatupad.
Tunay ngang biniyayaan ang ating bansa ng saganang biological diversity; ibig sabihin, matatagpuan sa ating kagubatan at karagatan ang napakaraming uri ng halaman at hayop (o flora and fauna). Ayon sa mga pag-aaral, ang isla ng Luzon nga raw ang may “greatest concentration of unique mammals” sa buong mundo. Nakapanghihinayang lamang na patuloy ang mga banta sa mga protected areas sa bansa dahil sa ating kapabayaan at kawalang-aksyon laban sa mga mapanirang negosyo at industriya katulad ng mga quarrying sites, pagmimina, logging, at illegal fishing.
Tungkulin nating lahat ang pangalagaan ang ating kapaligiran at kalikasan, hindi lamang para sa ating kapakinabangan kundi para sa maayos na daloy ng buhay sa buong daigdig. Tandaan nating magkakaugnay ang lahat sa iisang planetang pinagsasaluhan ng mahigit 7 bilyong tao sa mundo. Magkakaugnay ang bawat nilalang ng Poong Lumikha kung kaya’t mahalagang isaalang-alang ang buhay ng bawat nilikha.
Ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan ay hindi rin lamang para sa kapakinabangan ng kasalukuyang henerasyon ngunit para rin sa susunod na salinlahi. May mga ipinamana sa atin ang nakaraang henerasyon na kasalukuyan nating napakikinabangan at napasasagana pa sa pamamagitan ng mabuting gawa; pananagutan nating higit na pagyamanin ang sanilikha para sa darating na henerasyon.
Kaya mga Kapanalig, maliban sa pagpapanatiling malinis ang ating kapaligiran, bantayan din sana natin ang maayos na pagpapatupad ng mga batas-pangkalikasan katulad ng E-NIPAS Act. Huwag nating hayaang mauwi ang batas na maganda lamang sa papel ngunit madaling abusuhin at lusutan ng mga nais sirain ang ating kalikasan upang kumita lamang.
Sumainyo ang katotohanan.