79,147 total views
Mga Kapanalig, isa sa pinakamabigat na dagok sa isang pamilya ay kapag may isang miyembrong dinapuan ng matinding karamdaman. Mula sa pagsasalalim sa mga medical tests, pagkonsulta sa mga doktor, pagbili ng mga gamot, at pagpapaospital, lahat sa pamilya ay apektado. Bukod sa pag-aalala natin sa maysakit nating kapamilya, balisa rin tayo sa pag-iisip kung paano matutustusan ang mga gastusin.
Napakamahal talagang magkasakit sa Pilipinas, biro nga ng marami.
Pero hindi ito magandang biro, lalo na kung narinig ninyo ang balita tungkol sa pagbibigay ng Philippine Health Insurance Corporation (o mas kilala bilang PhilHealth) ng tinatawag na excess fund nito sa kaban ng bayan o national treasury. Nagkakahalaga ito ng halos 90 bilyong piso! May sobra palang pondo ang PhilHealth!
Paliwanag ng DOH, hindi naman daw ito nanggaling sa kontribusyon ng mga miyembro. (Kung kayo po ay empleyado, nasa 5% ng inyong buwanang suweldo, mula sa dating 4%, ang hulog ninyo sa PhilHealth.) Ang excess fund ng PhilHealth ay mula raw sa hindi nagamit na subsidy o pondong inilalaan ng gobyerno para sa mga kababayan nating walang kakayahang magbayad ng kanilang kontribusyon, katulad ng kapos sa buhay, senior citizens, at PWD. Sa dami ng mga nangangailangan—pumunta lamang po kayo sa mga pampublikong ospital para makita ang napakahabang pila ng mga pasyente—paanong nagkaroon ng ganitong kalaking excess fund ang PhilHealth?
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, malinaw na sinasabing ang anumang sobrang pondo ng PhilHealth ay dapat gamitin sa dalawang bagay: una, sa pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga miyembro nito, at pangalawa, sa pagbabawas sa regular na kontribusyon ng mga miyembro. Kung tapat tayo sa diwa ng universal health care, hindi na dapat mabigat sa bulsa ang pagpapagamot gaya ng mga nagpapa-dialysis o nangangailangan ng operasyon. Kahit nga ang pagpapakonsulta sa mga doktor at iba pang proseso para maagapan ang pagkakasakit ay dapat na sagot ng PhilHealth. Pero hindi ito ang tunay na nangyayari.
Wala ring nakasaad sa Universal Health Care Act na pwedeng kunin ng national treasury ang excess fund ng PhilHealth kahit pa isa itong government-owned and -controlled corporation (o GOCC). Pero iniutos pa rin ng Department of Finance na mag-ambag ang PhilHealth ng 90 bilyong piso sa kaban ng bayan. Nasa 20 bilyong piso na ang naipasok ng PhilHealth ngayong taon. May 70 bilyong piso pa.
Ang mas mahalaga, dapat nating bantayan kung saan gagamitin ang excess funds na ipinapapasok ng DOF sa kaban ng bayan. Sa utos na inilabas nito, sinabi roong gagamitin ang pondo para tustusan ang mga “unprogrammed appropriations” sa 2024 General Appropriations Act o ang batas na naglalaan ng budget para sa mga programa at proyekto ng gobyerno. Kapag sinabing “unprogrammed” ang isang programa o proyekto, wala ito sa ipinasàng budget, hindi planado, at, hinala ng marami, isiningit ng mga mambabatas para sa kani-kanilang constituents. Naku po, eleksyon pa naman!
Hindi naman natin sinasabing may katiwaliang nagaganap o magaganap sa paglilipat ng excess funds ng PhilHealth sa national treasury. Pero hindi natin maiiwasang magtaka kung bakit ganoon na lamang ang kagustuhan ng DOF na magpasok ng pera ang PhilHealth kahit pa salungat ito sa batas at hindi epektibong natutugunan ng ahensya ang pangangailangan ng mga miyembro nito.
Mga Kapanalig, sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ipinaaalalang tungkulin ng gobyerno ang kabutihang panlahat o common good. Kasama rito ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihina at dukha—isang mandato ng mga ahensyang katulad ng PhilHealth. Ang mga nasa gobyerno ay, gaya ng ipinahihiwatig sa Roma 13:4, mga lingkod para sa ikabubuti [natin]. Pakatandaan sana ito ng lahat sa ating pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.