14,094 total views
Homily for the 20th Sunday in Ordinary Time, 18 August 2024, John 6: 51-58
Sa ating mga Katoliko, ang huling basbas sa mga malapit nang pumanaw ay hindi lamang sinasamahan ng kumpisal at pagpapahid ng langis. Kapag kaya pa ng maysakit, binibigyan siya ng komunyon at ang tawag dito sa wikang Latin ay VIATICUM, mula sa tatlong salita: via – te- cum. Ibig sabihin: “Kasama mo (o baon mo) sa biyahe.” Sa Pilipino, PANTAWID. Malakas ang dating ng salitang ito, lalo na sa mga dukha. (4Ps)
Kapag mahaba ang biyahe, ang baon na pagkain sa kalsada ay tinatawag nating PANTAWID-GUTOM. Dalawang klaseng biyahe ang pagnilayan natin ang biyahe sa buhay sa mundong ibabaw, at ang biyahe patungong kabilang buhay, at ang baon na kailangan natin para sa pagtawid.
Ang biyahe natin sa mundong ibabaw ay nagsisimula na, mula pa sa paglilihi sa atin sa sinapupunan ng ating ina. Ito ang paalala ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Mag-ingat kayo sa paraan ng inyong pamumuhay. (At ang tinutukoy niya ay buhay dito sa mundo.) Kasi nga, ang buhay sa daigdig ay parang paglalakbay din. Pwedeng maligaw, pwedeng madisgrasya, pwedeng maantala o hindi humantong sa dapat paroonan. Kailangan natin ng tamang baon sa pagtawid. Kung kailangan natin ng pagkain at materyal na bagay para makaraos sa mga pangangailangan sa buhay, di hamak na mas kailangan ang ibang klaseng pagkain at inumin.
Sabi pa ni San Pablo, “Huwag kayong gumaya sa mga mangmang. “ Naaalala ko talinghaga tungkol sa sampung dalagang sumasalubong sa lalaking ikakasal—ang lima daw ay marunong at ang lima ay mangmang. Ang karunungan ang sinisimbolo ng baon na langis, para hindi mamatayan ng apoy ang kanilang mga lampara.
Sa ating first reading, hindi langis kundi pagkain ang ginagamit na simbolo sa inaalok daw ng Karunungan. Para daw siyang nag-aalok sa handaan, nag-aanyaya na kumain tayo sa pagkain at inuming inaalok niya. Ano ang dulot ng pagkaing ito? Tutulungan daw tayong “Talikdan ang kamangmangan at umunlad sa karunungan upang mabuhay.”
Sa second reading, may konting pahaging si San Pablo sa mga lasinggero—dalawang klaseng inumin na may espiritu ang tinutukoy niya: ang espiritu ng alak (na inihahambing niya sa kamangmangan) at ang Espiritu Santo na tinanggap natin sa binyag na nagbibigay sa atin ng karunungan.
Kaya pala sinabi ni Hesus sa kanyang Farewell Address sa gospel of John 16:13: “Pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. …at ipapahayag niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating.”
Ang Espiritu Santo daw ang ating pangunahing pabaon. Maraming beses na maglalakbay tayo sa dilim, pero ipapakita sa atin ng Espiritu ang patutunguhan natin. Maiiwasan natin ang mga lubak, mga batong katitisuran at mga bangin sa dinadaanan. Ang salita ng Diyos ang magiging liwanag na gagabay sa ating mga hakbang patungo sa buhay na makahulugan, buhay na ganap, buhay na may layunin.
Kaya pala sinasabi ni San Pablo sa mga taga-Galacia, kung baon natin sa paglalakbay sa mundo ang Espiritu, ang buhay natin ay nagiging mabunga, mga bungang pakikinabangan ng lahat ng kapwa-manlalakbay. At ang ibinubunga daw ng mga nabubuhay sa Espiritu ay ang sumusunod: “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan.”Gal 5:22
Pagnilayan naman natin ngayon ang biyahe patungo sa kabilang buhay. Sa ebanghelyo, sinasabi ni Hesus ang pabaon na kaloob niya sa atin bilang pantawid patungo sa buhay na walang hanggan ay “katawan at dugo” niya. Siyempre matalinghagang pangungusap ito, kaya hindi maintindihan ng ibang mga kausap niya. “Laman at dugo” simbolo ito ng sariling buhay. Ang ibinibigay na pabaon ng tunay na nagmamahal sa kanyang mga minamahal ay hindi lang pera, hindi pagkain, hindi lang materyal na bagay, kundi pagibig.
Tama pala iyung sinasabi ng kantang Paglisan: “Kung ang lahat ay may katapusan, itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan. At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pagibig.” Di ba sinabi rin ng apostol San Juan: “Ang Diyos ay Pagibig.” Ang umiibig ay “handang mag-alay ng sariling buhay para sa minamahal”—ibig sabihin, sariling katawan at dugo.
Ito ang tinatawag ng sulat sa mga Hebreo na “haing karapat-dapat”. Hindi hayop, gulay o anumang susunuging handog. Hindi salapi sa kolekta, kundi sarili. Kaya kung ibig natin makibahagi sa pagkapari ni Kristo, kailangang matularan natin siya, matutong maghandog nang tama. Siya ang paring naghahandog, ngunit siya rin ang korderong inihahandog.
Si San Exequiel Moreno ay nakilakbay sa ating mga Pilipino sa loob ng dalawang dekada bago siya ginawang obispo at nadestino sa Costa Rica. Dinala niya bilang baon sa biyahe ang Kristong nakilala niya sa mga Pilipino, na ayon sa kanya ay pinaghugutan niya ng lakas ng loob at inspirasyon. Mabigat ang loob niya noong inutusan siyang umuwi muna sa Espanya para magpagaling dahil napamahal na sa kanya ang mga Pilipino. Para sa kanya, iisa lang ang baon na kailangan niya, saan man siya mapadpad—ang Eukaristiya. Wala siyang ibang hinangad na pagkain kundi ang katawan at dugo ni Kristo, at ang matulad sa tinatanggap o kinakain niya. Na siya na nakilakbay sa landas ni Kristo ay matuto ring magsabing, “Ito ang aking katawan. Ito ang aking dugo. Ito ang buhay ko na alay ko sa inyo.”
Mga kapatid, sa Eukaristiya tinatanggap natin si Kristo—di lang upang pumasok siya sa atin at maging bahagi siya ng buhay natin kundi upang baguhin niya tayo at gawing kabahagi ng kanyang buhay, ng katawan at dugo niya.
Sa gayong paraan, tayo mismo ay nagiging pabaon na pantawid sa mga makasama natin sa lakbayin hindi lang patungo sa ganap at makabuluhang buhay sa mundo, kundi patungo sa buhay na walang hanggan.