185 total views
Naniniwala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o P-P-C-R-V na nararapat na ituloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na Oktubre ngayong taon para sa kapakanan at ikabubuti ng pamayanan.
Ayon kay Bro. Johnny Cardenas, PPCRV Vice chairman for Internal Affairs, ang Barangay ay ang pinakamaliit na unit ng pamahalaan na may direktang partisipasyon ang mga mamamayan kaya’t direkta ring nararamdaman ng mga residente ang serbisyo ng mga opisyal nito.
Paliwanag ni Cardenas, kung muling ipagpapaliban ang halalang pambarangay ay muli ring mapapalawig ang serbisyo ng mga kasalukuyang opisyal na una nang na-extend ang katungkulan matapos suspendihin ang naturang halalan noong nakalipas na taon.
“Mas magandang ituloy kasi ang Barangay is direct participation of the constituents. Ang features niyan kung hindi matutuloy, yung mga masama ang serbisyo na mga Barangay officials tuloy na naman sila, matagal na yung iba dyan, kaya dapat yan ituloy…”pahayag ni Cardenas sa Radio Veritas
Nauna nang binigyang diin ng P-P-C-R-V na nararapat magmula sa Barangay na itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamamahala sa bansa ang pagbabagong matagal ng hinahangad ng mga mamamayan sa pamamagitan ng ganap na pakikiisa sa mga programa at gawain sa barangay lalo na sa pakikilahok sa halalang pambarangay.
Matatandaang una nang ikinadismaya ng PPCRV ang mababang turn-out ng voter’s registration ng Commission on Elections para sa huling araw ng registration sa paghahanda sa SK at Barangay Elections sa buwan ng Oktubre.
Sa tala, umabot lamang sa 2,174,601 ang naitalang turn-out ng COMELEC para sa huling araw ng voter’s registration kumpara sa target nitong 2.5 milyong botante.
Buwan ng Obtubre taong 1991 ng opisyal na ilunsad ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV na layunin maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.