163 total views
Ipinagmalaki ni Commission on Elections Spokesperson James Jimenez na nakahanda na ang budget na gagamitin kung matutuloy ang 2017 barangay elections na natakda sa Oktubre ngayon taon.
Ayon kay Jimenez, hawak na ng COMELEC ang tinatayang limang bilyong piso minimum budget na nakalaan para sa hahalang pangbarangay, parehong budget na hindi nagamit noong ipinagpaliban ang 2016 barangay elections.
“Kung hindi sya matutuloy, we will hold the money. What we did last time is hindi natin ginastos yung pera kaya ngayon hindi tayo humihingi ng karagdagang pera kasi if you remember, napostpone na ito noong 2016. So ‘yung pera na supposed to be gagamitin noong 2016 ay nasa atin pa rin at yung ang gagamitin sa barangay elections 2017,” pahayag ni Jimenez sa Radio Veritas
Nilinaw nito na hahawakan muli ng ahensiya ang pera kung muli na namang ipagpapaliban ang barangay elections ngayong taon.
Nanawagan din si Jimenez na makabubuti kung magkakaroon na ng pinal na desisyon kung tuloy o hindi ang eleksyon upang makapaghanda na ang COMELEC sa mga suliranin na posible nitong kaharapin.
“Kung ang pag-uusapan po ay kung gaano katagal bago ihanda ang barangay elections, mahaba na ‘yung 60 days to prepare for it. Mas maganda kung ipo-postpone na ng maaga kasi may mga gastusin tayo na nai-encounter.”paglilinaw ni Jimenez
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinagtatalunan ang panawagan ni Pangulong Duterte na ipagpaliban muna ang 2017 barangay elections at i-appoint na lamang niya ang mga manunungkulan upang mapigilan aniya ang mga narco-politicians na humawak ng puwesto.
Kaugnay nito, naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.