229 total views
Maagang paghahandaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang nakatakdang halalang pambarangay sa Oktubre ng taong 2017 matapos itong ipagpaliban ngayong taon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, isa sa mga natutunan ng kumisyon matapos ang naganap na May 9 – National at Local Elections ay ang paghahanda ng mas maaga upang mas epektibong mapagdesisyunan ang lahat ng aspekto ng halalan.
Ayon kay Bautista, Enero pa lamang ng susunod na taon ay tututukan na ng COMELEC ang lahat ng aspekto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections upang hindi magahol sa oras ang kumisyon sakali mang magkaroon ng aberya sa preparasyon.
“If there is one lesson also that we learn in respect to 2016 is that the preparation time should be longer and that’s why we are looking to start as early as January 2017 for the planning and sort of like try to develop a time table so that there will be enough time to the biding, to consider other options, to discuss all of these important issues before we make the decision of which system to use…” pahayag ni Bautista.
Sa tala ng COMELEC matapos ang dalawang linggong muling pagbubukas ng registration, umabot sa 2-milyon ang mga nagparehistro para sa halalang pambarangay na nakatakda dapat sa ika-31 ng Oktubre 2016.
Sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) tinatayang umaabot sa 42,036 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.
Samantala, naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto at pakikiisa ng mga mamamayan sa pamayanan ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.