183 total views
Umaasa si Parish Pastoral Council for Responsible Voting chairperson Henrietta De Villa na maayos na makapag-uusap at magkakasundo ang Commission on Elections En Banc kaugnay sa Barangay at SK Elections na nakatakda sa darating na Oktubre.
Ayon kay De Villa, kailangang magdesisyon ang kumisyon kung ipagpapaliban o itutuloy ang halalang pambarangay sa bansa dahil hindi madali ang proseso at paghahandang gagawin lalo’t halos apat na buwan na lamang bago ang nakatakdang Barangay at SK Elections.
“Magkaisa sila, mag-usap sila ano ba ‘yung pros and cons kung gaganapin yung eleksyon as scheduled sa Barangay at SK at ano naman ang dis-advantages, para sa ganun kung palagay na magkasundo sila na ipagpaliban, magsabi sila sa Kongreso at kung ipagpapatuloy dapat ngayon pa naghahanda na sila kasi hindi madali rin ang barangay at SK elections…”pahayag ni De Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nananatiling hati ang opinyon ng COMELEC kaugnay sa nakatakdang Barangay at SK Elections sa darating na Oktubre, dahil sa katatapos pa lamang na halalang pambansa noong ika-9 ng Mayo.
Samantala, nasasaad nga sa Republic Act No. 9340 na pagsasagawa ng Barangay Elections sa darating na Oktubre habang nasasaad naman sa Republic Act No. 10656 ang pagsasagawa naman ng SK Elections sa darating na Ika-31 ng Oktubre matapos itong ipagpaliban noong nakalipas na taon.
Kaugnay nito, batay sa tala ng NAMFREL umabot sa 81-porsyento ang vote turnout rate noong nakalipas na eleksyon mula sa 54.6 na milyong rehistradong botante na mayroong ring pagkakataong bumoto para sa Barangay Elections.