374 total views
August 26, 2020
Taos-pusong nagpapasalamat ang Pondo ng Pinoy Foundation sa mga “Good Samaritan” o mga taong may busilak na pusong nag-aalay ng bente singko sentimos o “mumo” para sa pangangailangan ng kapwang naghihikahos.
Inihayag sa Radio Veritas ni Rev. Fr. Benjie Francisco, Committee chairman ng Pondo ng Pinoy Foundation na dahil sa “mumong” ipinagkaloob ng mga may dalisay na puso ay marami na ang nagkaroon ng kaayusan at kaganapan sa buhay.
Mula “mumo” na kaloob ng mga Good Samaritan ay nakapagbigay ang Pondo ng Pinoy ng 7-milyong pisong relief assistance sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic kabilang na ang mga mangingisda sa Rosario, Cavite na nabibiyaan ng bangkang pangisda.
Ikinagagalak ni Fr. Francisco ang lumalaganap na kultura o “way of life” ng mga Filipino na pag-alay ng bente-singko sentimos sa Pondo ng Pinoy na umabot na sa 23-milyong piso ngayong taong 2020.
Sinabi ng Pari na dahil sa maliit na binhi ng kabutihan ay naghari ang pagmamahal ni Hesus at simbahan sa mga higit na nangangailangan.
Ayon kay Fr. Francisco, ang kabutihan ng mga nag-aalay ng “momo” o barya ay sumasalamin sa pangarap ni Cardinal Emeritus Gaudencio Rosales na “anumang magaling, kahit maliit basta malimit ay patungong langit”.
Ibinahagi ng Pari na mula 2004 hanggang taong 2020 ay mahigit na sa 300,000 mga kapuspalad ang nabibiyaan sa programa ng Pondo ng Pinoy sa housing, edukasyon(mga scholar), nutrition(feeding program) at relief assistance sa mga naapektuhan ng pandemya.
Nanawagan din si Fr. Francisco sa mga nais magpayaman ng binhi ng kabutihan sa kapwa na ang sentro ng Pondo ng Pinoy ay sa lahat ng parokya, ilang mga paaralan at tanggapan sa buong bansa.
Tiwala si Fr. Francisco na lalo pang lumaganap at maging inspirasyon ang nais ni Hesus na ibigin ang kapwang nagdadarahop sa buhay.