317 total views
Mga Kapanalig, isang judge ang naghain kamakailan ng reklamo laban sa mga estudyanteng kasapi ng fraternity na Alpha Phi Omega. Biktima raw ng hazing ang kanyang 18-anyos na anak na lalaki. Nag-aaral si JL Bautista sa De La Salle University, at sa kagustuhan daw na maging proud sa kanya ang tatay na miyembro rin ng nasabing fraternity, sumali siya rito. Ang judge pa nga raw mismo ang humikayat sa kanya. Pinalo si JL sa kanyang mga hita at binti, sinuntok sa dibdib, at pinagsasampal bilang bahagi ng kanyang initiation. Nang malaman ito ng kanyang ina, pinahinto siya sa pagsali sa fraternity. Ngunit mapilit daw ang mga ka-brod ng kanyang ama kaya’t bumalik si JL sa grupo. Sa kanyang final rites, muli na namang dumaan sa karahasan ang estudyante. Ito na ang nagtulak sa kanyang mga magulang na magsampa ng kaso.
Hindi kasimpalad ni JL ang pinakahuling napaulat na biktima ng hazing.
Natagpuan noong nakaraang linggo ang nawawalang chemical engineering student sa Adamson University na si John Matthew Salilig. Nakita ang bangkay ng 24 na taóng gulang na binata sa isang bakanteng lote sa isang subdivision sa Imus, Cavite. Mahigit isang linggo na siyang nawawala noon. Ayon sa isa sa mga suspek na nagsumbong sa mga pulis, hindi bababa sa 70 hampas ng paddle ang natamo ng katawan ni John Matthew. Binawian siya ng buhay matapos ang initiation rites at habang nasa sasakyan. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nasa labinlimang persons of interest ang pinaghahahanap ng kapulisan. Kinundena ng Adamson ang nangyari sa kanilang estudyante at nangako itong makikipagtulungan sa imbestigasyong ginagawa ng awtoridad.
Sa kabila ng pagkakabatas ng Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Law, bakit hindi pa rin matulduk-tuldukan ang karahasang ginagawa sa mga fraternities sa ngalan umano ng pagkakapatiran? Darating pa kaya ang panahong mababasag na ang kultura ng karahasang bumabalot sa mga “kapatirang” ito?
Para sa mga nagtatanggol sa hazing sa mga fraternities, ang pagdaan sa pisikal na pananakit at paghihirap ay hindi lamang daw magpapatatag sa mga gustong maging miyembro kundi magpapatibay daw sa pagkakapatiran ng samahan. Ngunit sa totoo lang, ang hazing ay patunay ng tinatawag na toxic machismo culture kung saan mas pinahahalagahan ang kapangyarihan at kapusukan. Hindi pa nga mabura-bura sa ating lipunan ang mga katangiang sinasabing akma para sa mga lalaki—matapang at agresibo; hindi patatalo at hindi susuko. Hindi lamang nangyayari sa mga unibersidad ang hazing; sa maraming institusyon, maraming porma ng hazing na nagaganap na maaaring hindi marahas ngunit nakasasakit pa rin. Ayon nga sa teologong Heswita na si Fr. Eric Marcelo Genilo, ang hazing ay isang gawain kung saan ang mga makapangyarihan ay nagagawang isantabi ang mga tuntuning nangangalaga sa dignidad ng tao.
Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, sinabi ni Pope Francis na ang bawat marahas na gawaing ginagawa sa isang tao ay isang sugat sa balat ng sangkatauhan. Bawat marahas na pagkamatay ay nagpapababa sa ating pagkatao. “Violence leads to more violence, hatred to more hatred, death to more death,” dagdag pa ng Santo Papa.4 Bagamat maaaring ang pinatutungkulan ni Pope Francis ay ang karahasang dala ng mga digmaan, angkop pa rin ang mga salitang ito sa isyu ng hazing.
Mga Kapanalig, mukhang hindi sapat ang mga batas upang mabuwag ang kultura ng karahasan sa mga fraternities. Ang katapat nito—isang kultura ng kapayapaan—ay dapat umusbong sa bawat institusyon, bawat organisasyon, at bawat tao. Wika nga sa Mateo 5:9, “pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan”. Kung hindi man mabubuwag ang mga fraternities, kaya ba nilang maging daluyan ng kapayapaan?
Sumainyo ang katotohanan.