522 total views
Kapanalig, habang tumataas ang populasyon ng ating bayan, at maging ng mundo, may isang problema na mas lumalaki at tumitindi: ang basura.
Ayon sa World Bank, ang municipal solid waste o MSW sa buong mundo ay nasa 1.3 billion tons kada taon. Inaasahan na tataas pa ito ng 2.2 billion tons kada taon pagdating ng 2025. Napakalaking basura. Katumbas ito ng 1.42 kilos na basura kada tao, kada araw.
Kapag mas modern o industrialized ang isang bansa, mas marami ang basura. Ayon pa rin sa World Bank, ang mga OECD countries (Organisation for Economic Co-operation and Development) ay nagpo-produce ng halos kalahati ng basura ang mundo. 44% ng basura sa mundo ay mula sa mga bansang miyembro ng OECD. Ang mga bansa sa South Asia at Sub-Saharan Africa ay ang may pinaka-kaunting basura.
Sa ating bansa, ang basura ay problema ng maraming syudad, lalo na dito sa Metro Manila. Sa mga syudad kasi pinakamaraming basura sa ating bayan. Tinatayang umaabot ng 3.2 kilos ang solid waste ng mga kabahayan kada araw.[1] Ang basura na ito ay binubuo ng pagkain, papel, PET bottles, lata, karton, plastic, at iba pa. Upang ma-dispose natin ang basura, lahat tayo ay naka-asa sa pamahalaan. Kung hindi nila ito mako-kolekta, maiipon lamang ang basura sa mga bahay. Ang mga lokal na pamahalaan naman, kapag nakolekta na ang basura, ay karaniwang sa landfill dinadala ang basura. Dahil nga sa dami ng ating nalilikhang basura, malamang dumating ang panahon na wala na tayong espasyo para dito.
Kapanalig, ang basura natin ay umaabot na nga hanggang dagat. May isang pag-aaral mula sa UC Santa Barbara’s National Center for Ecological Analysis and Synthesis (NCEAS) na nagpapakita na kada taon, 8 million metric tons ng plastic ang napupunta sa ating mga karagatan. Pagdating ng 2025, maaring dumoble ito. Marami na ngang mga ibon ang namatay dahil sa pag-ingest ng mga plastic sa karagatan, na akala nila ay pagkain.
Kay hirap isipin kapanalig, na kung hindi natin makokontrol ang dami ng ating basura, ang ating mga karagatan ay maari ng magkaroon ng mga isla ng basura. Hindi lamang ito dumi kapanalig. Ito ay nagdudulot ng kamatayan, hindi lamang sa atin, kundi sa lahat ng may buhay-halaman at hayop, sa karagatan man o sa lupa.
Kapanalig, ang ating consumerist lifestyle ay isa sa mga dahilan ng pagdami ng basura sa buong mundo. Ayon nga sa Laudato Si, ang problema sa basura ay kaugnay ng ating “throwaway culture” na mabilis na nagbabasura sa halip na kumukuha lamang ng mga bagay na may tunay na value o kahulugan sa ating buhay. Ang epekto ng ating kawalan ng pagmamahal sa kapaligiran ay nakikita na: araw araw ang basura natin ay dumadami, na pati karagatan at ang mga buhay dito ay nadadamay na. Darating kaya ang panahon na pati outer space o ang kalawakan ay dudumihan na rin natin? Huwag naman sana, kapanalig. Magising nawa tayo. Ang maliit na basura natin ngayon ay delubyo ng mundo sa kalaunan.