3,146 total views
Basura at river reclamations ang maaring dahilan ng mataas na pagbaha sa Maasin City makaraan ang pananalasa ng bagyong Dante.
Ayon kay Fr. Harlem Gozo, Social Action Director ng Diocese of Maasin, kumitid ang daluyan ng mga tubig dahil na rin sa reclamation at pagpapagawa ng riprap sa mga ilog.
At dulot ng malakas na pag-ulan dahil sa bagyo ay umapaw ang ilog kasama na ang mga basura.
“Kino-call out na rin natin… we are in talking terms with the DPWH as of the moment, nakikita din nila yun tsaka in the coming days yata ay we will ask for updates regarding our observations as to the, yung mga nirereclaim na rivers. So ‘yun talaga ang isa sa pinakaproblema,” ayon kay Fr. Harlem sa panayam ng Barangay Simbayanan.
Dagdag pa ng pari, ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng limang taon na umabot ng hanggang sa leeg ang taas ng baha sa lungsod.
Tinatayang may 11 pangunahing ilog sa Maasin, Southern Leyte kabilang na ang Canturing sa Maasin City.
BACK TO NORMAL
Higit naman sa 10 libong katao ang pansamantalang lumikas dahil sa pagtaas ng tubig.
Ayon kay Fr. Gozo, karamihan sa mga naapektuhang residente ay lumikas sa parokya kung saan 1,651 mga bahay sa Maasin City ang binaha dulot na rin ng pag-apaw ng ilog.
Ayon sa pari, umabot ang taas ng tubig ng hanggang sa leeg lalu na sa mga pamayanang malapit sa ilog kung saan hindi rin nakaligtas sa mga binaha ang mga commercial establishment sa lungsod.
Sa kasalukuyan ayon kay Fr. Gozo ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga residente sa paghupa ng baha.
Patuloy namang ang isinagawang assessment ng social action center sa iba pang nasasakop na lugar ng diyosesis upang makita ang kalagayan ng mga naapektuhan ng bagyo.