516 total views
Nagbabala ang grupong EcoWaste Coalition sa publiko na panatilihing ligtas sa anumang uri ng basura ang mga sementeryo ngayong Undas.
Ito ang paalala ng grupo bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo bago ito pansamantalang isara sa publiko upang maiwasan ang COVID-19 transmission.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste Campaigner Jove Benosa na maliban sa pagsunod sa minimum public health protocols, hinihikayat din nito ang publiko na sa halip na mga basura ay mga bulaklak na lamang ang iwan sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Aside from the minimum public health protocols that all visitors must observe, we enjoin everyone to leave nothing but flowers and prayers in the cemeteries…Littering in cemeteries disrespects the dead, the living and Mother Earth, too, and can no longer be tolerated,” pahayag ni Benosa.
Samantala, nananawagan din ang EcoWaste sa mga pulitiko na iwasan ang paglalagay ng mga campaign materials sa mga sementeryo.
Giit ng grupo na ngayong Undas nawa’y mapanatili ang pagiging malinis ng mga sementeryo, gayundin ang maiwasan ang epekto ng pangagampanya para sa nalalapit na eleksyon.
“We also appeal to all politicians and political parties, including party list groups, to refrain from putting up propaganda materials such as tarpaulins in cemeteries and adjacent places. Let’s keep our cemeteries free of garbage, as well as partisan politics,” dagdag ni Benosa.
Ngayong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, pansamantalang isasara sa publiko ang mga sementeryo partikular na sa Metro Manila batay na rin sa pahintulot ng 17-mayor ng National Capital Region.
Tatalima naman ang Archdiocese of Manila sa utos ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo ngayong Undas.