409 total views
Mga Kapanalig, kabilang ka ba sa mga naabala ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila dulot ng masamang panahon noong mga unang linggo ng Hulyo?
Kilo-kilometro nga ang haba ng mga sasakyan sa South Luzon Expressway dahil lumubog sa baha ang ilang bahagi ng naturang highway. Unang itinurong dahilan ang pagkasira ng daluyan ng tubig dahil may isang mall na nagsasagawa ng expansion at naapektuhan nito ang drainage system. Pero hindi rin inalis ang sisi sa mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig. Ayon sa Department of Public Works and Highways (o DPWH), ang tambak ng basurang itinatapon kung saan-saan ay napupunta at bumabara sa mga estero, creek, at kanal. Matagal na nating alam na perwisyo talaga ang basura lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Pero kung hindi man itinatapon kung saan-saan ang basura, sinusunog naman ang mga ito. Alam ba ninyong halos tatlo sa sampung pamilyang Pilipino, o 27%, ang sinusunog ang kanilang basura? Ito ang lumabas sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) noong Marso pero ngayong buwan lamang isinapubliko. Ang pagsusunog ng basura ay labag sa Ecological Solid Waste Management Act. Sinumang lumabag sa batas na ito ay pagmumultahin ng hindi bababa sa sampung libong piso o maaaring makulong sa loob ng hindi lalampas sa labinlimang araw. Hindi lamang polusyon ang dala ng usok mula sa basurang sinusunog. Masama rin ito sa kalusugan ng tao at maaaring maging sanhi ng sunog sa isang lugar.
Kahit alam na natin ang masasamang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng ating basura, bakit kaya patuloy pa rin ang marami sa atin sa ganitong gawi? Siguradong may kakulangan din ang mga lokal na pamahalaan sa pagtupad nila ng kanilang tungkuling maayos na kolektahin ang ating basura. Ngunit dahil hindi natin maasahang siento-porsyentong matitiyak ng mga lokal na pamahalaang mapupunta sa tamang lugar ang mga itinatapon nating basura, malaki pa rin ang nakaatang sa ating mga mamamayan.
Minsan nang sinabi ni Pope Francis: “Too many of us act like tyrants with regard to creation.” Malupit tayong mga tao sa sanilikha, at kitang-kita ito sa hindi natin pagiging responsable sa ating basura. Nilalamon—o nagpalamon—na tayo sa tinatawag na “culture of waste”, isang pamumuhay kung saan ang mga bagay—kahit pa ang mga tao—ay dinidispatsa na lang natin kapag wala silang pakinabang o hindi na mapakikinabangan pa. Tuluyan na tayong naging mga alipin ng konsumerismo na, ayon nga kay Pope Francis, pinapaniwala tayong ang ating buhay ay nakasalalay sa kung ano ang mayroon tayo. At ang gusto natin ay madaling makamit ang mga bagay na ito—kahit pa lilikha ang mga ito ng basurang sisira sa ating kalikasan, magdudulot ng panganib sa ating kalusugan, at magiging sanhi ng matinding abala sa buhay natin at ng ating kapwa. Ang tila kawalan ng kontrol sa ating pagkonsumo ang sinasamantala naman ng mga tao at korporasyong habol lamang ang kumita.
Mga Kapanalig, marami pang darating na mga bagyo at pag-ulang aanurin ang basura sa ating mga lansangan at daluyang tubig. Hindi rin natin maaasahang huhusay agad ang koleksyon ng ating mga basura kaya’t may magsusunog pa rin ng kanilang basura. Kaya naman, inaanyayahan tayong balikan at suriin ang ating pang-araw-araw ng mga gawain at ang uri ng ating pamumuhay. Sa atin magsisimula ang pagbabago, at ang pagbabago sanang ito ay maipamalas natin sa ating kapwa para kahit papaano ay mabawasan ang basurang hindi lamang umaabala sa atin kundi nakapipinsala sa atin at sa ating kapaligiran. Sabi nga sa Tito 2:7, “maging halimbawa [tayo] ng mabuting ugali.” Mabuting ugali ang pagiging responsable sa ating basura.
Sumainyo ang katotohanan.