226 total views
Mga Kapanalig, parami nang parami ang mga produktong kulang na kulang ang suplay. May shortage tayo ngayon sa asukal. Nagmahal na rin ang presyo ng puting sibuyas dahil may kakulangan na rin nito sa mga palengke. At aakalain ba ninyong may shortage din tayo sa suplay ng asin gayong napapalibutan tayo ng dagat?
Pero may iba pang mga shortage na matagal na nating nararanasan at hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulunasan.
Lumitaw sa unang araw ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante noong isang linggo ang kakulangan natin sa mga upuan o school desks. Sa isang pampublikong paaralan sa Maynila, nakaupo sa sahig ng mga estudyante dahil kulang ang mga upuan. Itinanggi ito ng pamunuan ng paaralan at ng DepEd-NCR. Tinawag nilang “fake news” ang balitang kulang ng preparasyon ang eskuwelahan sa pagsisimula ng face-to-face classes. Pero ayon sa asosasyon ng mga kawani at faculty members ng paaralan, totoong kulang ang mga upuan doon. At ganito rin daw ang sitwasyon sa iba pang mga paaralan. Dalawang taóng nakasara ang ating mga paaralan—ang pinakamatagal sa buong mundo—ngunit pinalampas ng gobyerno ang pagkakataong ito upang ayusin ang problema natin sa mga upuan.
At hindi lamang mga upuan ang problema—maging mga silid-aralan ay kulang na kulang din. Para sa school year 2022-2023, sinabi ng DepEd na kulang ito ng 91,000 classrooms, ngunit hindi malinaw sa datos na ito kung naisaalang-alang na ang pangangailangan para physical distancing. Sa katunayan, hindi pa nga lahat ng mga estudyante ang pinababalik sa eskwelahan. Dahil nga sa patuloy na banta ng COVID, kailangan pa ring mag-physical distancing sa mga silid-aralan, at dahil dito, may mga estudyanteng magpapatuloy sa online classes. May mga paaralan namang nagpapatupad ng shifting o kaya naman ay magtatayo ng mga temporary classrooms katulad sa mga basketball courts. Hindi kaya sa mga silid-aralan mas angkop na ginamit ang pondong ipinampatayo ng mga imprastrakturang iilan lamang ang nakikinabang?
Kaawa-awa rin ang kalagayan ng mga estudyante sa mga bahaing bayan, katulad ng Macabebe sa Pampanga, kung saan nakababad sa tubig ang mga paa ng mga bata sa unang araw ng kanilang face-to-face classes.[6] Maliban sa hindi komportable ang kanilang lugar, lantad pa sila sa maraming sakit katuld ng dengue at leptospirosis. Hindi naman din bago sa lugar ang pagbaha kaya bakit parang walang ginagawa ang pamahalaan upang mabigyan ng ligtas, malinis, at maayos na silid-aralan ang mga batang estudyante? Paano kaya natitiis ng mga pulitikong makitang naghihirap ang mga bata sa pagkamit ng kanilang karapatang magkaroon ng edukasyon?
Sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, sinabi ni Pope Paul VI na ang edukasyon ay dapat na ang pangunahing tuon ng anumang planong pangkaularan sa isang lipunan. Ibig sabihin, nakasasalay ang kaunlaran sa matatalino at marurunong na mga mamamayan. Bagamat ang pamilya ang may pangunahing tungkulin sa paghubog sa kaisipan ng kabataan, dapat silang tulungan ng estadong maging produktibong mga mamamayan ang mga bata. Kaya naman, tungkulin ng gobyernong tiyaking maayos na nakapag-aaral ang mga bata at naipagpapatuloy nila ito sa kabila ng mga hadlang katulad ng pandemya o mga kalamidad. Kung tunay na pag-unlad ang layunin ng ating gobyerno, prayoridad dapat nito ang pampublikong edukasyon. Ngunit sa mga lumutang na problema sa unang linggo ng pagbabalik-eskwela, mukhang hindi ito ang kaso.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Mga Kawikaan 22:6, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.” Nakalulungkot na sa murang edad, sakripisyo na ang pasan-pasan ng mga batang Pilipino habang tinatahak ang daang dapat nilang lakaran patungo sa pagkakaroon ng edukasyon. Mapapagaan kaya ito ng kasalukuyang administrasyon?