282 total views
Mga Kapanalig, kumpleto na ba ang listahan ng mga iboboto ninyo? Sa dami ng isyu sa ating bayan, naisip ba natin bilang mga botante ang mga batang Pilipinong mayroon ding pinagdaraanang mga problema sa kanilang murang edad?
Ngayong taon, inilabas ng grupong Bata Muna ang kanilang Children’s Electoral Agenda na hango sa mga karanasan at tunay na kuwento ng mga bata. Ang Bata Muna ay isang non-partisan network na binuo upang matiyak na ang interes ng mga bata ay maisasaalang-alang ngayong panahon ng eleksyon at maging pagkatapos nito. Hinihikayat nito ang mga botanteng bumoto para sa kapakanan ng mga bata. Umusbong ang agenda mula sa mga konsultasyon noong 2021 sa iba’t ibang komunidad sa Luzon, Visayas, at Mindanao at mula sa isinagawang Children’s Congress kung saan mismong mga bata ang nag-usap-usap tungkol sa mga isyung dapat tutukan ng mga kandidato ngayong eleksyon.
Ang 15-point Children’s Electoral Agenda ay naglalaman ng mga panukala kung paano mas makakamit ng mga bata ang kanilang karapatang mabuhay, karapatang umunlad o lumago, karapatang makilahok, at karapatang maproteksyunan. Dahil ang mga bata ang isa sa pinaapektadong sektor ng pandemya, itinataguyod ng agenda ang kanilang karapatang makamit ang mga pangunahing pangangailangan nila katulad ng pagkain, edukasyon, kalusugan, at, para sa mga nakatatandang batang tumutulong sa kanilang pamilya, maayos at ligtas na trabaho. Sinu-sino sa mga kandidato sa lokal at pambansang posisyon ang nagsusulong ng mga karapatang pambatang ito?
Karaniwang hindi rin pinapansin ang opinyon ng mga bata, kaya binibigyang-diin din ng Bata Muna ang karapatang makilahok ng mga bata. Dapat kilalanin ng mga tumatakbong kandidato ang karapatan ng mga bata sa patas na pagkakataong masabi nila ang kanilang mga nasasaisip at saloobin, sa loob ng kanilang tahanan, sa kanilang paaralan at pamayanan, at sa pamahalaan. Paano isusulong mga kandidato ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga batang marinig ang kanilang mga hinaing at pangangailangan sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga programa ng pamahalaan?
Tungkol naman sa mga karapatang maproteksyunan, hiling ng Bata Muna na tiyakin ng mga kandidatong hindi mararanasan ng mga bata ang diskriminasyon, bullying, at pananakit dahil lamang sa kanilang edad at kasarian. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya ng mga batang protektahan ang kanilang sarili mula sa iba’t ibang porma ng pang-aabuso at pananamantala, kaya dapat nariyan ang mga nakatatanda, lalo na ang mga nasa pamahalaan, na ipagtatanggol din ang mga bata. Ang mga pinuno ng ating bansa ay may tungkulin ding sugpuin ang exploitation, child trafficking, at sapilitang pagtatrabaho o child labor na inilalagay ang mga bata sa matinding panganib. Mahalaga ring mabigyan ang mga bata ng protekyon upang hindi sila ma-recruit ng mga armadong grupo at sindikato. Karapatan din ng mga batang makatanggap ng tamang impormasyon, kabilang ang tungkol sa kanilang reproductive health.
Alalahanin natin ang babala ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti: maaaring nakatago sa likod ng mga pangakong uunahin ang kapakanan ng mahihirap at mahihina sa ating bayan ang kakulangan ng pagsasaalang-alang sa mga maliliit sa lipunan, katulad ng mga bata. Kaya sa pagkilatis natin sa mga pulitikong maraming pangakong binibitawan, alamin natin kung ano ang konkretong plano ng mga tumatakbo ngayong halalan para sa mga bata—mga batang “napapabilang sa kaharian ng langit” gaya ng wika ni Hesus sa Mateo 19:14.
Mga Kapanalig, dahil hindi pa makakaboto ang mga bata, tayong mga nakatatandang botante ang magtiyak na ang mamarkahan nating mga pangalan sa balota ay ang mga lider na may puso para sa mga bata. Sa darating na halalan, ilaban natin ang kinabukasan ng mga batang Pilipino. Bumoto para sa mga bata.