112,418 total views
Ang kamusmusan ng tao ay panandalian lamang – maikling panahon lamang ito sa kabuuan ng buhay ng tao. Dapat, sa ganitong edad, ang bata ay inaalagaan, ginagabayan, at tinuturuan. Inihahanda para sa magandang kinabukasan.
Kaya lamang kapanalig, sa ating bansa, maraming mga bata, sa halip na na-eenjoy ang kanilang pagkabata, ay nae-expose na sa buhay mag-asawa, sa buhay bilang ina. Ang ating bayan ay isa na sa mga bansa sa ASEAN kung saan mataas ang bilang ng teenage pregnancy, partikular na sa mga batang edad 15 pababa. Ayon sa Commission on Population and Development, tumaas ng 35% ang pregnancy sa ganitong edad sa ating bayan mula 2021 hanggang 2022.
Nakaka-alarma ang trend na ito, kapanalig, at dapat lamang bigyan ng tutok na atensyon hindi lamang ng pamahalaan, kundi ng pamilyang Filipino. Ang age of consent sa ating bayan ay 16. Wala pang muwang ang mga bata sa ganitong edad. Pero bakit nangyayari ito sa ating mga kabataan? Bakit nga ba kahit na nadeklara na ng 2019 na isang national social emergency ang teenage pregnancy sa bayan ay patuloy pa ring nangyayari ito?
Kailangan nating maging vigilant sa pagtitiyak na ang ating mga kabataan ay nasa tamang daan. Ang laki ng epekto ng teenage pregnancy sa katawan at kinabukasan ng bata.
Unang una, napakaraming komplikasyon ng maagang pagbubuntis sa kalusugan ng ina at ng kanyang supling. Hindi pa fully developed ang katawan ng teenager, at dahil sa teenage pregnancy, malapit sila mga health risks gaya ng preeclampsia, anemia, premature delivery, malnutrition, pati mga STDs. Malaki rin ang epekto ng teenage pregnancy sa mental health. Ang kumpiyansa o self confidence ng ina ay naapektuhan, nababagabag sila ng pag-alala para sa kanilang kinabukasan pati ng kanilang isisilang na anak. Marami rin sa kanila ang nahihiya at nagu-guilty, o nagagalit sa kanilang sitwasyon, na nagdudulot ng kalungkutan, depresyon, at anxiety sa kanilang hanay.
Marami rin sa ating mga teenage parents ay hindi na nakakatapos ng pag-aaral. Marami kahit high school, hirap pa nilang matapos. Ang kakulangan sa edukasyon ay naglilimita ng kanilang oportunidad para sa mas maginhawang buhay. Nagsisimula ito o nagpapatuloy ng cycle of poverty sa kanilang henerasyon.
Kapanalig, kailangan matugunan ng ating lipunan ang problemang ito. Maraming mga factors o salik kung bakit nangyayari ito gaya ng kakulangan sa kaalaman at edukasyon ukol sa reproductive health, at kakulangan ng gabay mula sa pamilya at iba pa. Isa sa mga first line of defense dito ay ang improved parental skills ng magulang – dapat sila ay magbigay ng oras at panahon sa pagtuturo at pag-gabay sa kanilang anak. Ang mga anak ang rason ng magulang sa pagtatrabaho at pag-kayod sa araw. Mawawalan ng halaga ang lahat ng pinagpaguran kung pababayaan din lamang ang bata na nag-iisa, at walang gabay sa mahahalagang desisyon sa kanilang buhay. At tayo, bilang kristiyanong lipunan, ay dapat suportahan ang mga pamilya. Sabi nga sa Communities of Salt and Light ng US Bishops: The most challenging work for justice is not done in church committees, but in the secular world of work, family life, and citizenship.
Sumainyo ang Katotohanan.