365 total views
Nagbabala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas hinggil sa kumakalat na facebook post na nagsasaad ng mandatory evacuation sa mga lugar na nakapaloob sa 14-kilometer radius mula sa Bulkang Taal.
Nagdulot ito ng labis na pangamba at pag-aalala sa mga residenteng naninirahan malapit sa bulkan.
Ayon sa Batangas Public Information Office, ito ay fake news o walang katotohanan, at wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa paglikas.
“Binibigyang-linaw ng Batangas Incident Management Team at ipinapaalam sa publiko na walang katotohanan ang post patungkol sa mandatory evacuation sa mga lugar na nakapaloob sa 14-kilometer radius mula sa Taal Volcano Main Crater… Walang inilalabas na opisyal na pahayag o pabatid ang DILG para sa naturang paalala,” paalala mula sa facebook post ng Batangas PIO.
Dagdag pa ng Batangas PIO, dapat tiyaking mabuti ng publiko ang bawat nakakalap na balita bago ito ibahagi sa kapwa upang hindi magdulot ng pangamba at kapahamakan sa mga tao.
“Sa panahon ngayon, mahalaga na tama ang impormasyon na nakakalap at ibinabahagi. Tiyakin na totoo ang impormasyon bago i-share. Palaging mag-fact-check at tumingin sa verified at legitimate sources,” ayon sa pahayag.
Samantala, naglabas na ng panuntunan ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas kaugnay sa pagbiyahe sa loob ng lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at mabawasan ang panganib sa ibang mga tao na maaaring maapektuhan ng anumang kaganapan dulot ng aktibidad ng Bulkang Taal.
Gayundin ay mahigpit nang ipatutupad ng Department of Environment and Natural Resources – Region 4-A CALABARZON, sa ilalim ng Protected Area Management Office – Taal Volcano Protected Landscape, ang Window Hours sa mga aktibidad sa lawa mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dos ng hapon.
Dahil dito’y hinihikayat ang mga residente na tumalima sa panuntunan dahil sa nakaambang panganib kaugnay sa pagliligalig ng bulkan.
Ayon naman sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nananatili pa ring nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal kaya mahigpit na ipinagbabawal ang paglaot sa lawa ng Taal at pagpasok sa Taal Volcano Island o Permanent Danger Zone.