287 total views
Muling nanawagan ng kagyat na pagpapatigil ng Batas Militar sa Mindanao ang mga katutubong Lumad na bahagi ng Manilakbayan ng Pambansang Minorya 2017.
Ayon kay Dulphing Ogan, Secretary-General ng Kalumaran, at Council Member ng Sandugo na nagmula sa Saranggani Province, labis na ang kalupitang kanilang naranasan noong walang Martial Law sa Mindanao at lalo pa itong tumindi ngayong umiiral ito sa buong rehiyon.
Paliwanag ni Ogan, pinagpapaslang ang mga tulad niyang katutubo dahil lamang sa bintang na miyembro ng Maute-ISIS terror group.
Bukod dito, sinasalakay din ng mga militar ang kanilang paaralan dahilan upang magbakwit ang kanilang buong komunidad.
“Kami po sa sandugo ito yung pangalawang lakbayan for self determination ng mga pambansang minorya, Moro at mga katutubo sa buong bansa. Isang layunin namin pinakamalaking demand ay yung kagyat na pagtigil ng martial law sa Mindanao, at syempre ayaw din namin yung banta nito nagagawin sa buong bansa,”, bahagi ng pahayag ni Ogan sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Ogan na nito lamang nakaraang ika-20 ng Septyembre ay muling sinalakay ang alternative schools for the Lumad sa Magpet, North Cotabato sa pamamagitan ng aerial bombing.
Aniya kasalukuyan pa nilang inaalam ang sitwasyon, at ang bilang ng mga kasamahang muli na namang napilitang lumikas dahil sa pagsalakay.
“Para sa amin sa Kalumaran ng Mindanao sa Sandugo ng buong bansa yung mga calls naming stop attacks on our schools, attack on our community and people. Para sa amin noong wala pang martial law pinapanawagan namin ang justice for military abuses, ngayon mas pinapaigting namin, labanan namin itong Martial Law ni Duterte dahil walang mabuting idinudulot ito,”, dagdag pa ni Ogan.
Read: Ipawalang bisa ang Martial law sa Mindanao.
Ngayong 2017 ang ikalimang taon ng Manilakbayan ng Pambansang Minorya na kinabibilangan ng mga katutubo mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Bukod sa usapin ng Martial Law, naniniwala ang mga Lumad na ang pangunahing dahilan ng pang-aabuso at pagpapalayas sa kanila ay ang interes ng mga dayuhang negosyante sa yamang mineral ng kanilang mga lupain.
Noong 2015, nakapagtala ang grupong Global Witness ng 185 environmental activists na pinatay sa iba’t ibang bansa, kaya’t itinuring ang taóng ito bilang “deadliest year” para sa mga environmentalists.
Pumangalawa ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming pinaslang na environmentalists.
Ayon naman sa grupong Kalikasan, na nagmo-monitor sa panggigipit at pagpaslang sa mga environmentalist sa Pilipinas, aabot na sa 112 ang napatay sa nakalipas na 15 taon at labindalawa sa mga ito ay pinatay sa loob ng unang pitong buwang panunugkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.