49 total views
Magnilay, manalangin at magbigay pugay sa alaalang iniwan ng mga nasawi dulot ng Bagyong Kristine.
Ito ang paghihimok ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa sambayanang Filipino kasabay na rin proklamasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagtatakda ng November 4 bilang National Day of Mourning.
Sa nagdaang kalamidad, umaabot sa higit isang daan ang nasawi na nag-iwan ng malaking pinsala hindi lamang sa kabuhayan kundi sa buhay ng marami.
Ayon sa pinuno ng Kamara, nawa ang araw na ito ay maging pagkakataon sa bawat isa para sa higit pang pagmamalakasakit at pagkakaisa, gayundin ang pakikiramay sa bawat pamilyang nasaktan at pamayanang labis na nasalanta ng nagdaang kalamidad.
Sa paggunita natin sa Araw ng Pambansang Pagdadalamhati, sinabi ni Romualdez na nawa’y matagpuan ng bawat isa ang mag-alay ng panalangin, at paggawa ng kabutihan para sa mga nagdadalamhati at sa mga bumabangon muli.
“May the souls of those who perished rest in peace, and may we, as one Filipino family, find strength in each other as we move forward. Together, let us remember, let us grieve, and let us help one another rise from this tragedy with renewed hope and unity,” ayon pa kay Romualdez.
Bilang pagtugon sa direktiba ng punong ehekutibo, naka-half mast din ang bandila ng Pilipinas sa Batasang Pambansa, bilang pakikiisa sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dulot ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Itinalaga naman ni Pope Francis ang buong buwan ng Nobyembre , para sa pananalangin sa lahat ng mga magulang na nagdadalamhati sa pagkawala ng anak.
Nawa ayon sa Santo Papa ay makasumpong sila ng lakas sa kanilang komunidad at biyaya ng kapayapaan.