291 total views
Mga Kapanalig, may kilala ba kayong mga batang may kapansanan o children with disability katulad ng mga bulag, pipi, bingi, o hindi nakakapaglakad? Maaaring sila ay inyong kapitbahay, kaklase ng inyong anak sa eskwela, o kapamilya mismo. May isang bagong batas na naglalayong palakasin ang access nila sa edukasyon. Ito ay ang Inclusive Education Law.
Ano ang ibig sabihin ng inclusive education? Tumutukoy ito sa pagtugon sa mga pangangailanagn ng lahat ng mag-aaral, anuman ang kanilang kasarian, edad, relihiyon, o lugar na pinanggalingan. Sa kaso ng mga batang may kapansanan, layon ng inclusive education na burahin ang pagsasantabi sa kanila sa loob at labas ng paaralan. Alam ba ninyong isa sa bawat pitong batang Pilipino, o 5.1 milyong batang Pilipino, ay may kapansanan? Ngunit dahil sa kakulangan ng impormasyon tungkol sa kanila, madalas silang binabalewala. Ang mga batang may kapansanan ay kadalasang hindi nakakapag-aral, nahihirapang makatanggap ng serbisyong pangkalusugan, at hindi pinakikinggan ng mga nakatatanda. Lantad din sila sa pang-aabuso at diskriminasyon. Sa pagsasara ng mga paaralan at paglipat sa distance learning ngayong may pandemya, naging mahirap para sa kanila ang mag-aral. Sabi nga ng mga guro, halos imposible ang pagkatuto ng mga batang may kapansan dahil sa balakid na dala ng pandemya at kawalan nila ng access sa teknolohiya.
Ngayong unti-unti nang nagbubukas ang mga paaralan para sa face-to-face classes, kailangang tiyaking hindi maiiwan ang mga batang may kapansanan. Isang hakbang ang pagsasabatas ng Inclusive Education Law upang palakasin ang pagkamit nila ng edukasyon. Kinikilala ng batas na ito ang pangangailangang itaguyod at protektahan ang karapatan ng mga batang may kapansanan sa pantay na oportunidad sa pagkamit ng dekalidad na edukasyon. Inaatasan nito ang lahat ng pampublikong paaralan sa ating bansa na magbigay ng libre at nararapat na basic education at mga kaukulang suporta at serbisyo sa mga batang may kapansanan. Minamandato rin ng batas na ito ang pagbabago ng mga SPED o Special Education Centers upang maging Inclusive Learning Resource Centers.
Isa ang Save the Children Philippines sa mga organisasyong nagsulong ng pagpapasá ng batas na ito. Anila, kung maipatutupad nang tama at maayos, matitiyak ng batas ang pantay na pagturing sa mga batang may kapansanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang pondo at suporta sa inclusive education. Itataas din nito ang kamalayan ng publiko sa kalagayan at mga pangangailangan ng mga mag-aaral na may kapansanan. Batid ng organisasyong mahaba pa ang lalakbayin tungo sa mas maláy at mapagkalingang publiko para sa mga batang may kapansanan, ngunit ang Inclusive Education Law ay malaking hakbang tungo dito.
Hangarin din ni Pope Francis ang isang mundong walang iniiwan—bawat tao, kahit na may kapansanan, ay kasama, lalo na sa pamumuhay nating mayroong COVID-19. Aniya, kung ang ating layunin ay “build back better”, ang inclusion o pagtiyak na kasama ang lahat ang siyang magsisilbing susi, dahil ang katatagan ng ating pagkaka-ugnay-ugnay ay nakabatay sa kung gaano natin binibigyang-pansin at iniaangat ang kalagayan ng mga pinakamahina sa atin. Kung iniisip nating maaaring isantabi ang kapakanan ng mga may kapansan katulad ng umiiral sa tinatawag ng Santo Papa na throwaway culture, binabalewala na rin natin ang katotohanang ang kahinaan, o frailty sa Ingles, ay bahagi ng ating buhay. Gaya ng sinabi ni Hesus sa Juan 9:3-4, “Ipinanganak [silang] bulag, hindi dahil sa nagkasala [sila]… kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan [nila]. Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin…”
Mga Kapanalig, hinihimok tayo ng ating pananampalatayang itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga batang may kapansanan, dahil bawat bata ay dapat kasama sa ating lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.