493 total views
Inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na ang bawat binyagan ay bahagi ng misyong ipalaganap ang turo ng simbahan sa pamayanan.
Ito ang mensahe ni Bayombomg Bishop Jose Elmer Mangalinao, chairman ng komisyon sa nalalapit na pagdiriwang ng National Catechetical Month sa Setyembre.
Ayon sa obispo bahagi ng tungkulin bilang kristiyano ang hubugin lalo na ang mga kabataan ayon sa turo ng Panginoon.
“Ang taunang pagdiriwang Catechetical Month ay paalala na ang bawat binyagan ay ‘katekista’. Tagapagturo sa gawa at salita ng aral ni Kristo; tagapagpahayag ng Mabuting Balita sa lahat ng oras at sa lahat ng gawain; at pasabuhay ng salita ng Diyos sa abot ng kanyang kaya,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Mangalinao sa Radio Veritas.
Apela ng obispo sa mananampalataya lalo na sa mga magulang na maging masigasig bilang katekista sa kapwa lalo sa kabataan upang mahubog ang kaisipan at pagkatao tungo sa ninanais ng Panginoon.
Giit ni Bishop Mangalinao, ang biyaya ng buhay na tinatanggap ng tao sa araw-araw ay isang hamong makiisa sa misyon na dalhin at ipakilala si Hesus sa mga komunidad.
“Sapagkat tayo ay patuloy na binibigyan ng buhay ng Diyos, ibig sabihin may misyon ang bawat isa na kilalanin, mahalin at paglingkuran ang Diyos sa araw-araw,” saad pa ng obispo.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “The Catechists, Walking Together as Witnesses of the New Life in Christ” kung saan ipinaalala sa mananamapalataya ang misyon na sama-samang paglalakbay bilang binyagan at tagasunod ni Kristo.
Ayon sa pag-aaral ng National Catechetical Studies ng University of Santo Tomas nasa 50-libo ang mga katekista sa buong bansa na katuwang ng simbahan sa pagbibigay katesismo sa mga paaralan at pamayanan.
Tuwing Setyembre ipinagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ang National Catechetical Month bilang pagbibigay pugay kay sa katekistang si San Lorenzo Ruiz – ang kauna-unahang martir na santong Pilipino.