2,223 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na ang dakilang habag at awa ng Panginoon ang daan sa pakikipagkaisa sa kapwa at sa simbahang katolika.
Sa pagtatapos ng 2-day Luzon Apostolic Congress on Mercy o LUACOM 2023 sinabi ng cardinal na pinapawi ng Divine Mercy ang pangamba at balakid sa buhay upang magampanan ang pagiging tunay na kristiyano.
“To the selfishness of indifference, mercy orients us to commune with each other…To the short-sightedness of self-satisfaction, mercy urges us to share the good news to satisfy others to the brim as well,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ayon naman kay Malolos Bishop Dennis Villarojo na ang tunay na diwa ng Divine Mercy ay ang kahandaang magpatawad sa kabila ng sakit at pagdurusang mararanasan tulad nang halimbawang ipinakita ni Hesus sa pagbayubay at pagkamatay sa krus.
“The path of peace is not the subjugation of one’s enemies, but it is rendering justice so that no one may be made an enemy of anyone…This Congress on Mercy reminds us over and over again that we are loved, and because we are loved, may we learn to love and to forgive,” ani Bishop Villarojo.
Pinasalamatan naman ng Divine Mercy Apostolate Philippines ang mahigit sa 2,000 debotong dumalo sa congress Congress of Mercy at dalanging tumimo sa bawat puso ang mga aral na matutuhan sa pagtitipon.
Sa panayam ng Radio Veritas kay World Apostolic Congress on Mercy o WACOM Asia Coordinator Balanga Bishop Ruperto Santos ikinagalak ng obispo ang masigasig na pakikibahagi ng mananampalataya mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas gayundin ang ilang grupong mula Estados Unidos na pinagbuklod sa Banal na Awa ng Diyos.
“Masaya ako at marami ang tumugon sa tawag ng Panginoon, dahil sa Divine Mercy lahat tayo ay nagkaisa. Sana ang mga sharing na narinig ay maibahagi sa kapwa sa kanilang pag-uwi, maging misyonerong magpatotoo sa Banal na Awa ng Diyos,” pahayag ni Bishop Santos.
Nakibahagi sa 2-day convention ang ilang mga pari at kilalang personalidad na nagbahagi ng mga kwentong dulot ng Divine Mercy sa kanilang buhay.
Kabilang na rito si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, mga lingkod ng simbahan at pamahalaan gayundin ang mga itinalagang missionary of mercy priests na nagkaloob ng sakramento ng kumpisal upang ganap na maibahagi at maipadama sa tao ang habag at awa ng Panginoon.
Ginanap ang LUACOM 2023 sa BarCIE Compound, La Consolacion University Philippines sa Malolos Bulacan sa inisyatibo ng Divine Mercy Apostolate Philippines sa pangunguna ni WACOM Asia Secretary General Fr. Prospero Tenorio.