341 total views
Pinaalalahanan ng arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na bawat isa ay binigyang pagkakataong magbagong buhay.
Ito ang sentro ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula sa misang ginanap sa Archdiocesan Shrine of Santo Niño de Tondo para sa ikalimang anibersaryo ng SANLAKBAY sa Pagbabago ng Buhay program ng arkidiyosesis.
Inihalintulad ng cardinal ang programa sa talinghaga sa bibliya tungkol sa tagapag-alaga ng puno ng igos na nagbigay ng panahon para tumubo at maging mabungang punongkahoy.
“Ito ang pinakapuso ng SANLAKBAY program, naniniwala tayo na ang bawat tao ay may pag-asang magbago at maging mabuti,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Tinuran ng Cardinal na may mga pagkakataong nadadapa, nagkakamali at nakagagawa ng kasalanan ang tao subalit sa tulong ng habag at awa ni Hesus nabibigyang pagkakataon ang bawat isa na bumangon at makapagsimulang muli.
“Sa SANLAKBAY program ipinaparamdam natin ang awa at pagpapatawad ng Diyos na hindi naghuhusga kundi umunawa at nagbibigay pagkakataong bumangon, ituwid ang ating buhay at maging mabuting tao,” dagdag pa ng cardinal.
Taong 2016 ang inilunsad ang SANLAKBAY program ng arkidiyosesis sa pangunguna ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle bilang pakikiisa sa malawakang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Samantala, ayon kay Father Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, priest-minister ng Restorative Justice Ministry ng arkidiyosesis may kabuuang 1, 417 na mga drug surrenders ang sumailalim sa drug rehabilitation program kung saan 452 na ang nakatapos at muling nakikipamuhay sa kani-kanilang komunidad dala ang mga aral na natutuhan sa programa.
“So itong 5 years na ito, ito yung efforts na ginagawa namin at siyempre ang lahat ng mga bunga na ito ay resulta ng pagtulong-tulong ng lahat ng sektor,” ani Fr. Dela Cruz.
Pinasalamatan ni Cardinal Advincula si Fr. Dela Cruz, ang mga volunteers at mga katuwang na organisasyon sa pagtatagumpay ng ongoing drug rehabilitation program ng simbahan.
Bukod dito, nagkaloob din ng mga bisekleta ang Rotary Club of Makati sa mga SANLAKBAY graduates upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na hanapbuhay.
Isa ang grupo sa mga pribadong organisasyon na katuwang ng arkidiyosesis sa nasabing programa.
Naniniwala naman si Fr. Dela Cruz na ang SANLAKBAY program ay isang magandang halimbawa sa isinagawang pre-synodal process ng simbahan tungo sa ika – 16 na Synod of Bishops on Synodality na gaganapin sa October 23 sapagkat makapagbabahagi ang mga drug surrenderers ng kanilang karanasan sa lipunan.
“Magandang model ito [SANLAKBAY] lahat naman ito even our synod is para sa evangelization, pero iba’t ibang sektor yung ini-evangelize natin; palagay ko makakapag-contribute din ang ating programa lalong lalo na sa mga taong nalulong sa ipinagbabawal na gamot,” saad ng pari.
Kabilang sa mga nagpaabot ng kanilang pagbati ang mga opisyal ng Philippine Drug Enforement Agency, Philippine National Police, Dangerous Drugs Board at iba pang opisyal ng pamahalaan.