600 total views
Mga Kapanalig, ayon sa Spanish-American philosopher na si George Santayana, “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.” Madali lang maunawaan ang mensahe ng pangungusap na ito: ang mga hindi natututo sa nakaraan ay uulitin ang mga kamalian nito.
Kasama ito sa mga ikinababahala ni Ginoong Antonio Calipjo Go sa inilabas niyang position paper matapos niyang i-review ang Draft Shaping Papers of the Revised Curriculum Guides for Kindergarten to Grade 10 ng Department of Education (o DepEd). Si Ginoong Go ay kilala sa kanyang krusada upang itama ang mga mali sa mga textbooks na ginagamit ng ating mga mag-aaral.
Sa pagre-review niya ng planong pagbabago sa curriculum ng DepEd, nagtuklasan niyang ang history o kasaysayan ay ipapaloob sa subject na tatawaging SIKAP o Sibika, Sining, Kultura, Kasaysayan, and Kagalingang Pangkatawan. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay ituturo kasabay ng mga minor subjects sa Grade 5 at 6. Ang mga paksa naman tungkol sa Martial Law sa ilalim ng diktaduryang Marcos ay ituturo sa mga nasa Grade 6, at hindi na ito mauulit o mapapalalim pa pagtungtong nila ng high school. Delikado ito ayon kay Ginoong Go dahil palalabnawin nito ang kahalagahan ng kasaysayan.
Ang pag-aaral ng kasaysayan ay nakatutulong sa ating maunawaan at harapin ang mga masalimuot na tanong bilang isang bayan sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano hinubog (at patuloy na hinuhubog) ng nakaraan ang ating kasalukuyan at ang ating hinaharap. Tinuturuan tayo ng ating nakaraan tungkol sa ating kasalukuyan. Binibigyan tayo ng kasaysayan ng mga aral upang masuri at maipaliwanag ang mga naging problema noon, at sa tulong ng mga ito, mas magagawa nating unawain at lutasin ang mga problema natin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Sabi nga ni Pope Francis, ang kasaysayan, kung marubdob nating pag-aaralan, ay maraming ibibigay na aral sa kasalukuyan nating lipunang uhaw sa katotohanan, kapayapaan, at katarungan.
Ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay dapat na nagsisimula sa maagang edad at dapat na nagpapatuloy. Dito nagiging malaki ang papel ng ating mga guro at ang curriculum na gagabay sa kanila upang hubugin ang isipan ng ating kabataan. Ngunit kung ang kasaysayan ay hindi pinahahalagahan sa ating mga silid-aralan, paano pa matututo mula sa mga aral ng nakaraan ang kabataang kinabukasan ng ating bayan?
Marami nang pahiwatig na bigo tayong matuto sa ating kasaysayan. Ibinoboto pa rin natin ang mga pulitkong pansariling interes lamang ang inuuna, kahit na pinatalsik natin ang ilan sa kanila dahil sa lantarang kasakiman at pang-aabuso sa kapangyarihan. Pinapalakpakan pa rin ng marami sa atin ang mga paglabag ng ating awtoridad sa mga karapatang pantao, kahit pa naghahanap pa rin ng katarungan ang mga naulila ng mga pinapatay noong panahon ng diktadurya. Hindi tayo umaalma sa panghihimasok ng mga dayuhang interes sa ating bansa, kahit pa ilang beses nating sinubukang kumawala sa tanikala ng kanilang kontrol at impluwensya.
Nakalulungkot na mistula tayong isang bayang walang pinagkatandaan, isang bayang hindi natututo sa mga aral ng nakaraan. At nakatatakot na baka maging bayan din tayong walang mararating. Maaaring maiwasan natin ito kung bibigyang-halaga sa curriculum ng ating mga pampublikong paaralan ang kasaysayan. Mungkahi nga ni Ginoong Go, ang kasaysayan ay dapat na ituro at pinalalalim sa high school kung saan inaasahang magiging mas kritikal, mas mapanuri, at mas matalino ang mga estudyante sa mga natatanggap nilang kaalaman.
Mga Kapanalig, maging ang Banal na Aklat ay may paalala tungkol sa kasaysayan. “Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari,” saad ng sa Isaias 46:9. Ngunit maliban sa pag-alala sa ating kasaysayan, kailangan din nating matuto nang hindi na natin maulit ang mga mali ng mga nauna sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.