1,417 total views
Nagtipon-tipon ang mga environment and human rights defenders sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources upang alalahanin ang mga bayani at martir ng kalikasan.
Ito’y pag-apela ng mga grupo sa pamahalaan upang bigyang-halaga ang pakikipag-laban ng mga nasawing tagapagtanggol ng kalikasan at pakinggan ang mga panawagan hinggil sa pangangalaga ng kapaligiran at mga apektadong pamayanan.
Ayon kay Alyansa Tigil Mina national coordinator Jaybee Garganera, mahalagang bigyang-pugay ang mga tagapagtanggol ng kalikasan na nag-alay ng mga buhay upang ipaglaban ang karapatan ng mga likas na yaman at kapakanan ng mga apektadong mamamayan.
“As we continue to remember them, we call on the DENR to protect and ensure the security of environmental activists so no killings will ever happen again,” pahayag ni Garganera.
Samantala, iginiit naman ni Jhay de Jesus, national coordinator ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement o IDefend na hindi katanggap-tanggap na walang napapatawan ng karampatang parusa ang mga pumapaslang sa mga tagapagtanggol ng kapaligiran at mamamayan.
Dagdag ni Cabrera na nais lamang ng mga ito na mapakinggan ang tinig upang mabigyang-pansin ng pamahalaan ang mga nangyayaring pang-aabuso at pagpinsala sa kapaligiran.
“We vow to continue calling for the accountability of the government for these killings and attacks on human rights defenders,” ayon kay de Jesus.
Batay sa ulat ng Global Witness, hindi bababa sa 270 environmental at human rights defender ang pinaslang sa Pilipinas mula 2012 hanggang 2021, kaya’t hinirang ang bansa bilang ikatlo sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo, at una naman sa Asya.
Inihayag naman ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ ang kahalagahan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan na nagpapahiram ng kanilang tinig sa mga nilalang ng Diyos upang itaguyod ang kasagraduhan ng buhay.