232 total views
Matagumpay na naisagawa ng Diocese of Kalookan ang unang Laudato Si Pre-conference na may temang “Deepening Reflection and Our Response”, bilang paghahanda sa kumperensya ng Ecclesiastical Province of the Archdiocese of Manila sa darating na ikalawa at ikatlo ng Pebrero 2017.
Aminado si Father Benedict Cervantes – Head ng Social Service Development Ministry, na isa ang kanilang Diyosesis sa mga pinaka-nangangailangan ng ibayong pangangalaga sa kalikasan dahil sa maraming maruruming ilog sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Gayunman positibo ang pari na magbubunga ng maganda ang pag-aaral na ito ng mga layko na magdudulot ng mas malawak at mas malakas na pagtutulungan ng mga Pari, at Layko, simbahan at pamahalaan para paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan.
“I am looking forward na maganda ang magiging partnership ng simbahan at ng gobyerno at ang mga kaparian at mga layko. As a clergy I am very-very positive na kayang gawin ito, magsimula sa parokya pababa sa mga barangay at sa bandang huli ay buong siyudad.” pahayag ng ni Father Cervantes sa Radyo Veritas.
Bagamat nalalapit na ang pagtatapos ng Year of the Parish as Communion of Communities ay naniniwala si Father Cervantes na mananatiling aktibo ang kanilang Basic Ecclesial Community sa pagpapalaganap ng mga tamang gawain na makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalikasan.
“Kailangan talaga may mag spearhead so ito yung pinagsisikapan ng simbahan ngayon na sa simbahan magsimula at ikalat sa mga pamayanan kaya malaking tulong dito ang mga Basic Ecclesial Communities, talagang sila yung magdadala, at sila yung magpo-propagate ng pagmamahal sa kalikasan. We are very hopeful and very positive na itong seminar on Laudato Si na ito ay hindi magtatapos hanggang seminar lamang kundi ito ay magkakaroon ng realization… Sabi nga ni Bishop ay ang umiiyak na kalikasan ay kailangan talagang patahanin at pangitiin.” Dagdag pa ng Pari.
Samantala binigyang diin naman ni Fr. Octavio Bartiana, Head ng Ecology Ministry ng diyosesis na laging nakahanda ang Diocese of Kalookan na makipagtulungan sa pamahalaan at sa Non-Government Organizations para sa ikabubuti ng kalikasan.
Hamon nito sa pamahalaan at sa Department of Environment and Natural Resources na bigyang diin ang pagpapatupad sa mga Environmental laws kabilang na ang Solid Waste Management Act, Clean Air Act, at Clean Water Act.
“Ang mensahe ko lamang po sa mga NGOs, LGUs specially sa DENR ay sana po dahil 17 years na po ang batas na yan [environmental laws] ay sana po bigyan natin ng pansin, diin sa adbokasiya at pag-inform sa mga tao, at maisakatuparan ang mga batas, at least maging well informed sila at maisakatuparan ang mga batas. Tapos tayong mga kumikilos na lalo na saDENR bigyan ng seryosong makatotohanang aplikasyon doon sa ating mamamayan.” Pahayag ni Fr. Bartiana sa Radio Veritas.
Samantala, nagpasalamat din si Fr. Bartiana sa mga tumulong upang matagumpay na maisakatuparan ang kumperensya, aniya, ito pa lamang ang simula sa masmalawak na aksyon ng simbahan para sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa kabuuan batay sa Ecology Ministry ng Diocese of Kalookan ay umabot sa 93 ang nakilahok sa naturang pagtitipon.