1,382 total views
Nagpapasalamat ang dating pinuno ng Diocese of Legazpi Social Action Center sa patuloy na pagmamalasakit sa mga biktima ng pagliligalig ng Bulkang Mayon.
Ayon kay dating SAC Legazpi executive director Fr. Rex Paul Arjona, hindi maikakaila ang pinagdaraanang pagsubok ng mga apektadong residente na sapilitang pinalikas dahil sa banta ng bulkan.
Gayundin ang sakripisyo ng mga kawani ng simbahan lalo na ang SAC Legazpi na nagsisikap upang matugunan ang pangangailangan ng mga nasa evacuation centers.
“Bagama’t ‘di biro ang hirap ng mga residenteng apektado sa mga evacuation centers, at ang pagod ng ating SAC Legazpi staff, Parish Disaster Response Committees, at maraming volunteers, pero napapagaan ang sitwasyon dahil ramdam namin ang pakikiisa at tulong ng marami nating mga kapatid.” pahayag ni Fr. Arjona sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng pari na malaki ang kaginhawaang naidudulot ng pagbabayanihan kung saan nagsisikap ang lahat, lalo na ang mga hindi apektado ng Bulkang Mayon upang mabawasan ang pasanin ng mga apektadong pamilya.
Katulad nito ang nasa 50 toneladang humanitarian aid mula sa United Arab Emirates at ipinamahagi sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Gayundin ang apela ni Legazpi Bishop Joel Baylon sa mga parokyang saklaw ng diyosesis na ipamahagi ang ‘Tinagba offerings” bilang karagdagang tulong sa mga nagsilikas na pamilya.
“Dama mo ang pagmamalasakit mula sa mga lokal na komunidad na ‘di gaano apektado ng bulkan, hanggang sa mga donors sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa international.” ayon kay Fr. Arjona.
Batay sa Phivolcs, maaaring tumagal pa ng ilang linggo o buwan ang aktibidad ng Bulkang Mayon na nananatili pa rin sa Alert Level 3 status.
Nakasaad naman sa huling DSWD-DROMIC o Disaster Response Operations Monitoring and Information Center na nasa higit 10-libong pamilya o halos 40-libong indibidwal mula sa 26 barangay ang apektado ng pagliligalig ng Bulkang Mayon.