2,364 total views
Tiniyak ng Order of Malta Philippines ang patuloy na paglilingkod sa mga mahihirap at may karamdaman.
Ito ang pahayag ni Hospitaller Doña Lena Vera sa ginanap na medical mission nitong October 14 kasabay ng pagdiriwang sa kauna-unahang World Day, of the Order of Malta.
Ayon kay Vera, ang paglunsad ng mga gawain sa World Day ay pagpapakita ng pakikiisa sa pamayanan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na mapakikinabangan ng mamamayan.
“Isang layunin ng Order of Malta ay ipaalam sa madla na nandito kami para tumulong sa kanila through our services na ginagawa namin sa buong mundo, to promote our work, to promote our charism which is defense of faith and service to the poor and the sick,” pahayag ni Vera sa Radio Veritas.
Mahigit sa 200 indibidwal ang nakinabang sa libreng konsultasyon sa Ear, Nose, Throat o ENT, pediatric, obstetric, at gynecological cases kung saan nakatuwang ng grupo ang Makati Medical Center, San Lazaro Hospital at PHAP Cares Foundation.
Bukod pa rito ang feeding at formation program para sa mga kabataan kung saan bukod sa pagtutok sa usaping pangkalusugan ay hinuhubog din ang pagkatao ng bawat bata upang maging mabuting kasapi ng kristiyanong pamayanan.
Gayundin ang pagkakaroon ng programa para sa mga magulang lalo na sa kababaihan upang maingat ang antas ng kanilang pamumuhay at matutuhang maging independent sa pamamagitan ng Women-preneur for plastics kung saan katuwang ng grupo ang Malteser International at pamahalaan ng Germany.
“We promote the Bayanihan spirit…what we aim to do is to multiply the effect, the influence, the impact that we have on small communities, the people that we help in turn help other people,” giit ni Vera.
Samantala ibinahagi ni Doña Josephine Bantug, ang pangulo ng Order of Malta Philippines na nakikipag-ugnayan din ang grupo sa mga bahay ampunan, home for the aged, mga ospital lalo na ang kanilang advocacy program sa mga may leprosy at HIV/AIDS.
Dagdag pa nito ang pagpapatayo ng proyektong patubig sa 56 eskwelahan at mga komunidad partikular sa Benguet sa pamamagitan ng Water, Sanitation and Hygiene (WASH) Projects na layong tulungan ang mamamayan na magkaroon ng malinis na pagkukunan ng tubig.
Nakapagpatayo rin ang grupo ng 641 bahay para sa mga residente ng Bantayan Island sa Cebu at Basey Samar na lubhang napinsala sa supertyphoon Yolanda noong 2013.
Ang World Day celebration ng grupo ay ipinagdiwang sa araw na pinakamalapit sa October 13 ang araw ng paggunita kay Blessed Gerard, ang tagapagtatag ng Order of Malta.
Pinasalamatan ni Vera ang mga tumulong maisakatuparan ang medical mission gayundin ang mga dumalo sa gawain.
“Nagpapasalamat kami sa mga tumulong, na nagbibigay sila ng oras, talino at galing; nagpapasalamat kami sa komunidad na tinutulungan namin kasi nabibigyan kami ng pagkakataon na ipatupad namin ang misyon ng Order of Malta,” saad ni Vera.