207 total views
Hinikayat ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang Kongreso na pag-aralang mabuti ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na sinertipikahang urgent ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Arsobispo, mahalaga na ang iba’t-ibang sektor ng lipunan ay mabibigyan ng patas na oportunidad sa lahat ng aspekto ng BBL.
“BBL must not be exclusive and must give equal opportunities to everybody because a government that is exclusive is not a good government. A government is for the people and for the people and when you only choose a sector then it is destined to be a failure,” Ayon kay Archbishop Jumoad.
Kabilang sa tinukoy ng Arsobispo ay ang pagpili ng mga opisyal ng pamahalaan kung saan dapat ang lahat ay may pagkakataon na maging bahagi ng gobyerno.
“Positions should be based on credentials and not because of faith affiliations,” Paliwanag pa ni Archbishop Jumoad.
Nangangamba ang arsobispo na magkakaroon lamang ng panibagong pag-aaklas sa oras na may sektor na maisasantabi sa BBL.
“When you neglect a sector that is part of the government then be careful because there might be another rebellion that will come,” Ayon pa sa Arsobispo.
Ang pahayag ng arsobispo ay kasunod na rin ng pagsertipika ng Pangulong Rodrigo Duterte sa BBL bilang ‘urgent bill’ na nangangahulugan na hindi na kailangan pa ng 3-day period sa pagitan ng 2nd at 3rd reading bago maipasa ang isang panukala sa Kongreso.
Umaasa din ang palasyo na ang B-B-L ay malalagdaan ng Pangulong Duterte bago pa ang susunod na State of the Nation Address sa Hulyo.
Sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong 2015, binigyang diin dito na ang pangmatagalang kapayapaan ay matatamo sa pamamagitan ng paggalang ng bawat isa maging Muslim, Kristiyano, Lumad at iba pang panananampalataya na nakabase sa katarungang panlipunan, pagkakaisa at kapayapaan.
Sa kasaysayan ng bansa, tinatayang may 40 taon na ang kaguluhan sa Mindanao na siyang pangunahing dahilan ng hindi pag-unlad ng rehiyon kung saan umaabot din sa higit 300 libo ang internally displaced dahil sa umiiral na karahasan at digmaan.