331 total views
September 2, 2020
Pormal na inilunsad ang ika-8 taong pagdiriwang ng season of creation 2020 kasabay ng ika-anim na taong pagdiriwang ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco tuwing unang araw ng Setyembre.
Pinangunahan ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagsisimula ng Season of Creation na pinamumunuan ng grupong Global Catholic Climate Movement o GCCM-Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Vertias, sinabi ng obispo na isang hamon para sa lahat ang maging responsableng katiwala ng kalikasan na ating iisang tahanan.
Sinabi ng Obispo na itinuturo sa atin ng nararanasang pandemya ngayon ang kahalagahan ng pakikipagka-isa para sa lahat hindi lamang sa usaping pagkalikasan kundi maging sa pantay na katarungan para sa lahat.
“Ito ang malaking hamon sa’ting lahat. Magkaisa tayo, harapin itong ating paninira. Because of people, nations who are selfish. Sana we are all responsible stewards. So, ‘yung pagpapagaling sa sakit ng pandemya at iba’t ibang sakit sa buong mundo na sinisira ang kalikasan, ay nasa atin.
Sama-samang magbuklod, magkaisa, lalung-lalo na bigyang pansin, the most vulnerable. Ang hamon, magkaisa tayo para mapaghilom itong mga nagawa nating paninira sa kalikasan ng Diyos which we call our second home.”pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Samantala, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Season of Creation 2020, pinangunahan naman ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang banal na misa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ng Obispo na kung hindi tayo magsasama-sama at kikilos bilang iisang nilikha, ay hindi natin matutugunan ang suliraning pangkalikasan.
Hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na magbago ng paraan ng pamumuhay ngayong panahon ng pandemya at sa halip ay pahalagahan ang mga bagay na mayroon tayo.
“Pahalagahan natin ‘yung mga mayroon tayo at hindi tayo maging malungkot sa mga bagay na wala tayo. ‘Yung ating lockdown [ang] nagturo sa atin nito. Maraming mga wala tayo, hindi tayo makabili, hindi tayo makapunta sa mall ngunit marami namang nandyan na napahalagahan natin, na magpapahalaga sa ating relationship sa isa’t isa at hindi sa mga bagay bagay na mayroon tayo.”, bahagi ng homiliya ni Bishop Pabillo sa Manila cathedral.
Hinikayat naman ng Obispo na bigyan ng panahon ang kalikasan upang makapagpahinga sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa mga biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan na mas magpapalalim pa sa pananampalataya ngayong Season of Creation.
Ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi na pinalawig hanggang ika-11 ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Ngayong taong 2020 ang ika-walong taon ng pagdiriwang ng Season of Creation sa Pilipinas na may temang Jubilee for the Earth kasabay ang ika-anim na taon ng World Day of Prayer for Care of Creation.
Hinihimok naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga mananampalataya na pangalagaan at protektahan ang sangnilikha upang hindi magdulot ng pinsala.
Alinsunod sa ipinapatupad na panuntunan bilang pag-iingat sa coronavirus disease, ang lahat ng gawaing kaugnay ng season of creation ay isasagawa sa pamamagitan ng online platform na masusundan sa facebook page ng GCCM PILIPINAS at Veritas846.ph.