241 total views
Ito ang inihayag ni Fr. Matthiue Dauchez-executive director ng Tulay ng Kabataan Foundation Inc. na tungkulin ng simbahan upang mahikayat ang mga Kristiyano na muling bumalik sa simbahan.
“Nauuhaw sila talaga sa espiritwal pero ‘yung feeling na hindi sila welcome sa simbahan dapat tatanggalin ‘yan dapat maramdaman nila na pwede silang pumasok sa simbahan kasi parang takot sila,” ayon kay Fr. Dauchez sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa sa pari, ito rin ang layunin ng isasagawang ‘Mass Baptism’ na gaganapin sa Manila Cathedral na pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bukas alas-9 ng umaga.
Inaasahang aabot sa 450 bata edad 8-taon gulang pababa ang bibinyagan kung saan katuwang ni Cardinal Tagle sa pagdiriwang ang 14 na mga pari.
Read: Daan-daang batang kalye, tatanggap ng sakramento ng binyag
“It’s amazing na naintindihan ang nangyayari, alam nila talaga kung ano ang binyagan. Im very amazed and it is something that really amazing in the Philippines na parang may natural na catechism sila ang mga pamilya,” dagdag pa ng pari.
Ayon kay Fr. Dauchez, bago ang itinakdang binyagan ay sumailalim din sa paghuhubog ang mga magulang ng mga bibinyagang mga bata at tiniyak din na masusundan ang paghuhubog na ito matapos ang pagtanggap ng sacrament.
Inihayag ng pari na kabilang sa pangamba ng mga pamilya ang paniniwalang may babayaran sa pagtanggap ng sakramento.
Una na ring nilinaw ng simbahan na walang bayad ang pagtanggap ng mga sakramento.
“Siguro yung feeling na masyado silang mahirap,” ayon sa pari.
Ang ‘arancel system’ sa simbahan ay ang pagbibigay ng stipend sa serbisyong pangsimbahan na ginagamit para sa maintenance, mga kawani at iba pang mga pangangailangan ng simbahan.
Taong 2015 nang tanggalin ang ‘fixed rate’ para sa mga sakramento sa Lingayen-Dagupan sa halip ay kusang donasyon ng mga mananampalataya.
Sa Archdiocese of Manila ay unti-unti na ring tinatanggal ang ‘arancel system’ o fixed rate na inaasahang buong maipapatupad sa taong 2021.
Read: Pag-alis ng arancel system, ipapatupad ng Archdiocese of Manila
Bukod sa mass baptism, kabilang din sa mga susunod na proyekto ng Tulay ng Kabataan ang pagkakaroon ng ‘adult baptism’, ‘mass wedding’, at pagkukumpil.