283 total views
Ito ang payo ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa Obispo, bagamat higit na dapat na mag-ingat ang lahat sa muling pagkalat ng virus ay hindi naman dapat na mangibabaw ang takot sa bawat isa.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na mahalaga ang pagkakaroon ng matatag na diwa at kalooban sa pagharap sa malawak na krisis na dulot na COVID-19 pandemic.
Sinabi ng Obispo na kaakibat ng pagkakaroon ng matatag na kalooban ay ang pagkakaroon ng matatag na resistensya upang paglabanan ang anumang sakit tulad ng COVID-19 virus.
“Ang sabi natin sa ating panalangin diba Oratio Imperata, save us from our fears huwag din tayong matatakot naman, careful but not fearful yan ang sabihin mo. The people should be careful but not fearful because at this time we should keep our spirit up, because when our spirit are up, our immune system is strong that is one.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin naman ng Obispo ang kahalagahan ng patuloy na pagsunod ng bawat isa sa ipinatutupad na mga safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Iginiit ni Bishop Bacani na hindi dapat maging kampante ang bawat isa.
“Ang mga tao sana patuloy lang ang pag-iingat same pag-iingat face mask, social distancing, washing of hands, mababawasan yan huwag lang masyadong careless na pupunta sa mga mall kaysa sa Simbahan. Dapat lang maging sa Simbahan, maging sa kahit saan yung protocol [ay dapat sinusunod] lang yan.” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Samantala, kabilang sa mga tinukoy ng Obispo na paraan ng pagpapatatag sa kalooban ay ang pagkakaroon ng matatag na pananampalataya sa kaloob at plano ng Panginoon para sa bawat isa.
Batay sa datos ng Department of Health, umaabot na sa halos 680,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan muling naitala ang mabilis na pagtaas ng kaso ng sakit noong ikalawang linggo ng Marso.