174 total views
Hinamon ng CBCP–Permanent Committee on Public Affairs ang mga Basic Ecclecial Communities o mga komunidad sa mga parokya na magtulungan upang makapag – likha ng programa sa mga walang trabaho sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, napapanahon na palakasin ang presensya ng mga BEC ngayong ipinagdiriwang ang Taon ng mga Parokya na matulungan ang mga walang trabaho sa kanilang lugar.
Iginiit pa ni Archbishop Arguelles na kung mabibigyan lamang ng tamang programa ang mga komunidad lalo na sa pagsasaka at paglikha ng mga kooperatiba ay hindi na makikipag–sapalaran ang iba na magtrabaho sa mga dayuhang negosyante sa bansa.
“Tayo’y magtulong–tulungan di ba ang tema ng taon natin ngayon ay ‘Communion of Communitites.’ Ang pinagtitibay diyan lalo ay ang Basic Ecclesial Community huwag na tayong na ang trabaho ba natin ay umaasa tayo kina Henry Sy,
kina Lucio Tan. Trabaho tayo ng trabaho sa kanila ay sila lang naman ang yumayaman. Ang dapat ay magkaisa ang mga maliliit na tao at magtulungan,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi pa ni Archbishop Arguelles na kung magbabahaginan lamang ng kakayanan ang bawat isa ay makaka–iwas na ang bansa sa pananakal ng ilang gahamang negosyante na lumalabag pa sa ilang karapatan ng mga manggagawa.
“Ang trabaho ay hindi naman manggagaling kina Lucio Tan andiyan iyan magtanim tayo, magtulung–tulung tayo iyan ang mahalaga diyan magbahaginan ng ating kakayanan. Ang trabaho ay hindi lamang nakakapit tayo sa mga dayuhan mas mahal ang kinukuha nila sa atin at lahat ng injustice ay nasa atin at tayo ay pinapataw ang mahalaga magtulungan at magsikap ang lahat para mapabuti ang bawat isa,” giit pa ni Archbishop Arguelles sa Radyo Veritas.
Samantala, lumiit na ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa bansa, batay sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS)—naitalang pinakamababa sa nakalipas na siyam na taon.
Natukoy sa survey, na isinagawa nitong Setyembre 24-27, na bumaba sa 18.4 na porsiyento ang joblessness rate, o nasa 8.2 milyong adult na Pinoy ang walang trabaho sa ngayon.