467 total views
Higit na naramdaman ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng Gagmay’ng Kristohanong Katilingban o GKK (Basic Ecclesial Community).
Ito ang mensahe ni Davao Archbishop Romulo Valles sa paggunita ng simbahan sa BEC Sunday kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo nitong June 12.
Ayon sa arsobispo bunsod ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan ay pinagbuklod ng Espiritu Santo ang mamamayan.
Batid ng dating pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang malaking ginampanan ng GKK sa mga komunidad na nakatulong sa paglago ng pananampalataya.
“Kita sa Davao diha sa kasinatian, buhing experience sa GKK [Tayo sa Davao sa karanasan ng GKK], nakasinati sa konkretong paagi sa [naramdaman natin ang] loving presence of God, as our Father in Christ His son and the inspiration and light of the Holy Spirit,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Valles.
Pinangunahan ng arsobispo ang pagdiriwang ng B-E-C Sunday sa San Pedro Cathedral kung saan dumalo ang mahigit isanlibong kasapi ng GKK sa arkidiyosesis.
Ipinagpasalamat ni Archbishop Valles ang pagiging matatag ng mga munting pamayanan sa nakalipas na 50 taon at patuloy na nagbuklod tungo sa mas maunlad na simbahan.
Batay sa kasaysayan 1971 nang magsimulang lumaganap sa arkidiyosesis ang GKK o BECs na hanggang sa kasalukuyan ay katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng misyon.