1,493 total views
Kinilala ng opisyal ng simbahan ang tungkulin ng munting pamayanan sa pagpapatatag ng misyon ng simbahan.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona malaki ang tungkulin ng Basic Ecclesial Communities o BEC sapagkat dito makikita ang pagkakilanlan ng bawat kasapi ng kristiyanong pamayanan.
“Ang simbahan ay hindi lamang ang masa o ang maraming tao kundi mga konkretong mga tao na kilala ang isa’t isa…at ito ay nangyayari at nagagampanan sa pamamagitan ng isang munting pamayanang kristiyano o Basic Ecclesial Community kaya ito ay tinatawag na isang bagong pamamaraan ng pagiging simbahan.” bahagi ng mensahe ni Bishop Mesiona.
Giit ng obispo na sa tulong ng BEC ay napapaigting ang misyon ng simbahan sa bawat pamayanan upang makamit ang simbahang nagbubuklod sa paglalakbay tungo kay Hesus.
Sa nagdaang pandemya kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang BEC dahil sa ginampanang tungkuling pinanatiling buhay ang simbahan sa kabila ng lockdown na ipinatupad sa buong mundo.
Sa isang pahayag ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan ang chairman ng CBCP-BEC, bagamat naging sarado ang mga bahay dalanginan mas tumibay ang pananampalataya at ugnayan ng tao sa Panginoon dahil sa pagsisikap ng BEC na ipagpatuloy ang gawain sa kapitbahayan.
Dahil dito iginiit ni Bishop Mesiona na ang BEC ang isang instrumento ng simbahan upang abutin ang nasasakupan lalo na sa mga kanayunan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Holy Trinity Sunday ay ipinagdiwang ng bansa ang BEC Sunday upang bigyang diin ang munting pamayanang nagsisikap para itaguyod ang misyon ni Hesus sa lipunan.