193 total views
Naniniwala si Diocese of Malaybalay Bishop Jose Cabantan,Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Basic Ecclesial Communities (BEC) na maaaring maging kasangkapan ng pagtulong sa mahihirap ang bukluran ng maliliit na sambayanang Kristiyano.
Inilahad ni Bishop Cabantan na kung pagsasama-samahin ang maliliit na handog ay makabubuo ito ng malaking pakinabang hindi lamang para sa iilang tao kundi sa buong komunidad na nakasentro kay Kristo.
Ayon sa Obispo, sa kanilang diyosesis mismo ay kusang-loob na lumilikha ng mga programa ang mga BEC upang suportahan ang mga maliliit na tao at yaong mga naisasantabi sa komunidad.
“Some of our BEC resulted to.. parang pagtulong sa mga pangangailangan kahit maliit. Dito sa Bukidnon for instance, very common ang tinatawag naming ‘dayong’, it’s like a small contribution to address their needs usually if something happened to a member of a community or somebody has died,” kuwento ni Bishop Cabantan.
Dahil pangunahing kabuhayan sa kanilang diyosesis ang pagtatanim, idinagdag pa ng Obispo na nagsisilbi itong plataporma na nagpapatibay at humuhubog sa pagkakaisa ng bawat miyembro ng BEC.
“They also [BEC] organize themselves to put up something like a common farm so that they can address their common needs and after celebrating the mass they can share something from their own common farm. So in that way, the poor are really the ones who are helping themselves with that kind of BEC,” ani Bishop Cabantan.
Ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Simbahang Katolika ng World Sunday of the Poor sa darating na ika-19 ng Nobyembre, inihayag ni Bishop Cabantan na magandang pagkakataon ito upang mas pag-alabin ng bawat mananampalataya ang kanilang pagmamalasakit sa kapwa at mga nasa laylayan ng lipunan.
Magtatapos sa ika-30 ng Nobyembre ang Year of the Parish as Communion of Communities habang opisyal na ilulunsad ng simbahang Katolika ang Year of the Clergy and Consecrated Persons sa ikatlong araw ng Disyembre kasabay ng unang Linggo ng Adbiyento.