372 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Committee on Basic Ecclesial Community na malaki ang papel na ginagampanan ng mananampalataya sa pagpalawak ng Kristiyanong pamayanan.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, chairman ng komisyon, sa pagbubuklod ng munting pamayanan ay mas lumalago ang pananampalatayang Kristiyano at lumaganap ang turo ng Panginoon.
“Malaki ang maitutulong ng BEC sapagkat ito ang Simbahan sa mga munting pamayanan; sa mga kapitbahayan,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa Radio Veritas.
Ito ang pahayag ng arsobispo hinggil sa ulat na mas lumaki pa ang bilang ng mga Kristiyano katoliko sa buong daigdig ngayong taon.
Sa inilabas na report information service ng Pontifical Mission Societies na Fides News Service, tumaas ng halos 16-milyon ang bilang ng mga Katoliko ngayong taon o katumbas sa 1.33 billion sa kaubuuhan.
Sa naturang bilang nangunguna ang Africa sa mga kontinenteng may pinakamaraming nagpabinyag sa 9.2 milyon, 4.5 milyon naman sa America, 1.8 milyon sa Asya, 177, 000 sa Oceania habang 94, 000 naman sa Europa.
Nanatili naman ang Pilipinas sa mga bansang nangunguna sa Asya na may pinakamaraming binyagang Katoliko na nasa mahigit 80-porsyento ng higit isandaang milyong populasyon.
Binigyang diin ni Archbishop Cabantan na sa pamamagitan ng pagpapalawig ng mga BEC sa bawat lugar ay mas makahihikayat pa ito sa pananampalatayang Katoliko at paglilingkod sa Panginoon.
“Sa bukluran ng BEC may pagkakaisa ang mananampalataya; ito ang malaking partisipasyon sa Misyon ng simbahan na makahikayat ng tao tungo sa Panginoon,” dagdag pa ni Archbishop Cabantan.
Ikinatuwa ng simbahang katolika ang pagtaas ng bilang ng mananampalataya lalo’t sa Pilipinas ay maigting ang paghahanda ng simbahan sa pagdiriwang ng ikalimandaang taon ng Kristiyanismo sa bansa sa 2021.