346 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na palalakasin ang mga – Basic Ecclessial Communities o B-E-C sa pamayanan.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, chairman ng komisyon malaki ang responsibilidad ng mga BEC sa pagpapanatiling buhay ng simbahan sa mumuniting pamayanan sa naranasang pandemya.
Ito ang pahayag ng arsobispo kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng BEC Sunday sa Mayo 30, 2021 kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos.
“Kahit sa naranasang pandemic ngayon nagpatuloy sa gawain ang BEC sa mga komunidad, layunin nitong mapanatiling buhay ang pananampalataya sa pamayanan lalo na sa bawat tahanan,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa Radio Veritas
Paliwanag ng arsobispo bagamat naisara sa publiko ang mga bahay dalanginan dahil sa pandemya mas tumibay ang pananampalataya at ugnayan sa Panginoon ng mananampalataya sa pagsusumikap ng mga BEC dahil sa pagpapatuloy ng mga gawain nito.
Pinuri rin ni Archbishop Cabantan ang mga BECs sa buong bansa dahil naging instrumento sa paghahatid ng tulong sa mga tahanan noong nagpatupad ng mahigpit na panuntunan ng community quarantine ang bansa.
“Malaki ang tulong ng BEC sa pamamahagi ng ayuda ng simbahan sa mga tao kasi kilala nila ang mga nakatira sa paligid, ang mga munting pamayanan kaya hindi tayo nahirapan,” ani Archbishop Cabantan.
Suportado rin ng opisyal ang Virtual Ecclessial Community na ibinahagi noon ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na itinatag para tipunin lalo na ang kabataan sa tulong ng teknolohiya para sa virtual sharing conference hinggil sa pananampalataya.
“Isang venue rin yang digital platform, in fact napag-usapan ng CBCP ang BEC in a digitalize context lalo ngayong bawal ang physical gatherings,” giit ng arsobispo.
Bilang pakikiisa sa 500 Years of Christianity naglunsad ng aklat ang komisyon kasabay ng pagdiriwang sa ika – 50 taon ng BEC noong 2019 ang “A Continuing Pastoral Accompaniment of BEC’s in the Philippines: A 50-Year Journey”.
Naglalaman ito ng pagninilay ng mga pari, obispo at layko hinggil sa pananampalatayang kristiyano.
Si Msgr. Manny Gabriel ang may akda ng aklat na siya ring Executive Secretary CBCP-BEC sa loob ng 50 taon.