205 total views
Ibinahagi ni Diocese of Novaliches Bishop Antonio Tobias na mas pinatibay at mas pinalakas ng Year of the Parish as Communion of Communities ang Basic Ecclesial Community (BEC) sa buong diyosesis.
Ayon kay Bishop Tobias, nagbunga ng konkreto at matibay na pagsasamahan ng mga mananampalataya bilang nagkakaisang komunidad ang nagdaang taong pang-simbahan.
“Ngayong natapos ang taon na ito na Year of the Parish as Communion of Communities, talagang pinalakas namin ang BEC. Ang nalalaman ko ay naging mas malakas talaga ang BEC sa Diocese of Novaliches. Iyan ang legacy at iyan ang bunga ng ating Year of the Parish,” pahayag ni Bishop Tobias.
Sinabi ni Bishop Tobias na magkakaroon ng mga integration activities ang Diocese of Novaliches na patuloy na magtataguyod sa 1,069 BEC groups sa 12-bikaryato at 69 na parokya sa diyosesis.
Tiniyak naman ng Obispo na layuning palakasin ng Year of the Parish ang tinig ng mga kakabaihan sa pagpoproklama ng mabuting balita ng Panginoon.
“Ang aking pag-asa diyan ay mas mahigpit na samahan at pagtutulungan ng mga pari at mga religious lalo na ang ating kamdrehan para makita ang lakas ng women power sa simbahan at maappreciate ang kababaihan,” pahayag ni Bishop Tobias.
Opisyal na ilulunsad ng simbahang katolika ang Year of the Clergy and Consecrated Persons sa ikatlong araw ng Disyembre kasabay ng Advent Sunday.