247 total views
April 10, 2020-9:00am
“Let us allow ourselves to be surprised by God.”
Ito ang mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mga mananampalataya sa pagdiriwang ng sambayananang Kristiyano ng kapistahan ng muling Pagkabuhay ni Hesus.
Ayon sa Obispo, tulad ng unang muling Pagkabuhay ni Hesus na puno nang hiwaga at mga hindi inaasahan, hindi rin tukoy ng lahat ang magaganap pa sa loob ng tatlong linggo dulot ng umiiral na lockdown.
Subalit nakakatiyak ang lahat na tayo ay muling babangon at magagapi ang pandemya.
“We will rise up strengthened in our relationships. Most especially, we will rise up with greater trust in our God who never leaves us and who sustains us in difficult times,” ayon kay Bishop Pabillo.
Sa umiiral na Enhanced Community Quarantine-hindi tulad ng nakasanayan ng lahat ang pagdiriwang ng simbahan ng panahon ng Kwaresma, Mahal na Araw at ang pista ng Muling Pagkabuhay.
Subalit ayon kay Bishop Pabillo. hindi ito dapat maging hadlang sa tunay na kahalagahan ng pagdiriwang-ang tagumpay ng Panginoong Hesus mula sa Krus ng kalbaryo para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
“The quarantine period was hard, but we have lived through it renewed and with new realizations in life. It has given us new life,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Pabillo.
Umaasa din si Bishop Pabillo na matapos ang lockdown na hindi na babalik sa maling pamumuhay ang bawat isa bagkus ay manaig ang mga natutunang aral mula sa karanasan-ang pagbibigay halaga sa tunay na pinakamahahalaga sa ating buhay.
Ito ay ang kalusugan, pamilya at ang pananampalataya sa Panginoon na hindi magpapabaya sa lahat ng pagkakataon bagkus ay kasama-kasama sa bawat yugto ng buhay.
“Let not the monotony of the quarantine put off the joy of Easter. The basis of this joy is not what we can do, but that the Risen Jesus is with us. He is acting among us and renewing us. Because of him, we shall overcome!”
Bilang panghuli, inihayag pa ng obispo na nawa sa pagkakataong ito ay higit pang tumibay ang pananampalataya at pag-asa ng bawat isa kasama ang Panginoon na muling nabuhay.
Una na ring ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng enhanced community quarantine ng hanggang sa ika-30 ng Abril.
Habang umaabot na sa higit apat na libo ang bilang ng mga nahawa sa novel coronavirus disease sa Pilipinas- ang may pinakamataas na bilang ng kaso sa Southeast Asia.