336 total views
Ikinadismaya ng Bulacan Ecumenical Forum at Oceana Philippines ang pagbibigay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa San Miguel Corporation ng prangkisa upang itayo ang New Manila International Airport o Bulacan International Airport Project sa Taliptip, Bulakan, Bulacan.
Ayon kay Fr. Francis Cortez, tagapagsalita ng Bulacan Ecumenical Forum, masyadong naging mabilis ang desisyon ng mga mambabatas para sa Bulacan Airport at hindi inisip ang mga kaharaping suliranin kapag naitayo na ito.
“Kung mapapansin natin ‘yung mga naging pagdinig na mabilisan ‘yung naging proseso. Kumbaga, nandodoon na kaagad sa kaisipan nila kung ano ‘yung gagawin o tutupdin nila ‘yung maisulong ang proyektong ito,” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinimok naman ni Fr. Cortez ang bawat isa na maging bukas ang puso at diwa sa mga nagaganap sa ating kapaligiran tulad ng pandemyang COVID-19.
Sinabi ng Pari na kalikasan na ang nangungusap dahil sa kapabayaan ng mga tao at hindi pagiging mabuting katiwala sa nilikha ng Diyos.
Dismayado naman si Oceana Philippines Vice President Atty. Gloria Estenzo-Ramos sa railroading ng mga mambabatas sa pagpasa ng prangkisa para sa S-M-C na hindi isinaalang-alang ang epekto ng proyekto sa kalikasan at mga naninirahan sa paligid ng lugar na pagtatayuan.
“It’s a disappointment. Actually, kasi we rely on the legislative body to look at the implementation of the laws. May overside function sila. We raise all of these issues na na-violate [ang] various environmental laws sa Environmental Impact Assessment System Act, ang Philippine Fisheries code kasi impacted ang fisheries nito, ang water quality,” bahagi ng pahayag ni Atty. Estenzo-Ramos.
Inihayag ng abogado na dapat na unahin ng mga mambabatas na ipasa ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na mas makatutulong upang mapadali ang sistema sa pagkuha ng mga incentive,tax exemption at makalikha ng maraming trabaho.
“Dapat nga unahin nila ‘yung CREATE Bill. Ito ‘yung mag-streamline sana ng system of incentives and exemptions. Di ba dapat unahin nila ‘yan? So they make sure na hindi ma-cover ‘yung San Miguel from this CREATE Bill. Why the rush? Ang tindi nga ng impact nito sa environment, sa livelihood, economics, social, climate change. That area is a geo-hazard [zone],” ayon kay Atty. Estenzo-Ramos.
Nanawagan ang Oceana Philippines sa mamamayan at iba’t-ibang sector na pigilan ang pagtatayo ng paliparan.
Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provisions para sa panukalang legislative franchise na magpapahintulot sa San Miguel Corporation na itayo at patakbuhin ang nasa 2,500 ektaryang Bulacan International Airport.
Tinuturo naman ng Catholic Social Teaching na hindi maaring isakripisyo ang kapakanan ng mamamayan at kalikasan sa pagtamo ng malaking kita at paglago ng ekonomiya.