283 total views
Magpapasko na, kapanalig. At isa sa mga walang maliw na simbolo ng kapaskuhan ay ang Belen. Ito ay larawan ng pamilya. Maralita man, puno naman ng ligaya at kapayaan.
Ang simbolong ito ay “ideal” na estado ng pamilya ngayon, lalong lalo sa ating bayan. Ang pamilya ngayon, lalo na ng maralita, ay nasa panganib. Sila ang unang unang tinatamaan ng mga mararahas na polisiya ng ating bayan, sila rin ang unang tinatamaan ng pagbagsak ng ekonomiya.
Isang halimbawa ay ang gyera laban sa droga. May mga pagsasaliksik na nagpapakita na binuwag nito ang samahan ng maraming pamilya sa bayan at iniwang ulila ang maraming mga bata. Ayon sa “Our Happy Family is Gone: Impact of the War on Drugs on Children in the Philippines, maraming mga bata ang nakaranas ng psychological distress at marami rin ang mas lumala pa ang kahirapan nung napatay ang kanilang ama o ina. Marami saa kanila ay hindi na nakapag-aral. Marami ang na-bully sa kanilang pamayanan o paaralan. Marami ang nawalan ng pamilya at tahanan. May ibang mga bata, sila mismo ang natamaan ng mga bala, sila mismo ang namatay. Ayon sa mga natala ng mga children’s rights advocates, tinatatayang mayroong 101 na bata ang napatay sa ngalan ng droga mula kalagitnaan ng 2016 hanggang 2018.
Ang ibayong kalungkutan ay dumapo pa sa mas maraming pamilya ngayong taon dahil sa COVID 19. Maraming pamilya ang nabawasan dahil nagapi sila ng pandemya. Umabot na sa mahigit sa 8,200 ang nasukol Corona Virus ngayon.
Kapanalig, ngayong kapaskuhan, habang ating sinisilayan ang Belen, umusal sana tayo ng dasal para sa pamilyang Filipino. Ayon sa Pacem in Terris, ang pamilya ay dapat natin ituring na una at pinaka-esensyal na “cell” o selula ng katawan ng lipunan. At dahil ito aang pinaka-esensyal, kailangan nating masusing bigyan ang bawat pamilya ng lahat ng kanyang kailangan upang magampanan nito ang bahagi niya sa lipunan.
Kailangan ng bawat pamilyang Filipino ngayon ng alalay at gabay upang sila ay maka-ahon sa sunod-sunod na banat sa kanilang hanay. Kailangan ng pamilyang Filipino na maramdaman na sila ay prayoridad ng pamahalaan. Kailangan nilang makita ang tunay na pagbabago na pinangako sa kanila ng ating mga politiko.
Kung ang pamilya ay wawasakin ng estado, nangangahulugan lamang na hindi nito tunay na nauunawaan ang kahulugan ng pagmamahal, sa pamilya man o sa bayan. Ang tunay na servant-leader, kapanalig, ay naniniwala na ang kinabukasan ng bayan ay nakahabi sa kaayusan ng pamilya.
Sumainyo ang katotohanan.