1,111 total views
Nagampanan ni Pope-emeritus Benedict XVI ang kaniyang tungkulin na maglingkod bilang pinakamataas na pinuno ng simbahang katolika.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang namayapang Santo Papa ay isang dakilang guro na biniyayaan ng husay at galing sa teolohiya na kinakailangan ng simbahan sa panahon ng kaniyang pamumuno.
“It is never fair to sort of compare either against each other. I would like to believe that Pope Benedict did his best.” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit-on-the-air ng Radio Veritas.
Ayon pa sa Obispo, makailang ulit din niyang nakadaupang palad ang pumanaw na dating Santo Papa- ang una noong 2006 sa ginanap na seminar sa mga bagong talagang obispo ng simbahan at noong 2007 sa ad limina visit ng mga obispo ng Pilipinas sa Roma.
Bago maging pinuno ng simbahan, si Cardinal Joseph Ratzinger o Benedict XVI ay naging pinuno ng Congregation of the Doctrine of the Faith simula 1981-2005.
Nagsilbi ring arsobispo ng limang taon sa Archdiocese ng Munich and Freising sa Germany.
Taong 2005 nang mahalal bilang Santo Papa makaraan ang pagpanaw ni Pope John Paul II.
Bagama’t ikinagulat ng marami ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin bilang Santo Papa, sinabi ni Bishop David na higit pa ang kanyang naging paghanga sa pumanaw na Santo Papa.
Ayon kay Bishop David- isa sa mga obispo na itinalaga ni Benedict XVI taong 2006, kinikilala ni Benedict XVI ang kaniyang kakayahan, at ang kahinaan gayundin ang pangangailangan ng nagbabagong simbahan.
“You cannot expect him to be what he is not. Benedict XVI is a teacher, intellectual, theologian, and musician.” ayon pa kay Bishop David.
Si Benedict XVI ay nagbitiw sa tungkulin taong 2013 sa edad na 85, dulot na rin ng kaniyang mahinang pangangatawan dahil sa mga iniindang karamdaman at katandaan.
Makaraan ang pagbibitiw sa tungkulin, 10 taong ginugol ni Benedict XVI ang kaniyang panahon sa pananalangin at katahimikan sa monasteryo sa Vatican City na nagsilbi niyang tahanan.