2,007 total views
Magsasagawa ng benefit concert ang Diocese of Talibon sa lalawigan ng Bohol para sa pagsasaayos ng Most Holy Trinity Cathedral na labis napinsala ng bagyong Odette noong 2021.
Ang ‘Bangon Simbahang Talibongnon’ ay inisyatibo ng United Servants for Welfare Advancement and Growth (USWAG) Talibon, Inc. katuwang ang Jesuit Music Ministry (JMM) ng Jesuit Communication; Diocese of Talibon, at Limang Siglo.
Tiniyak ng JesCom ang suporta sa pagsasaayos ng simbahan lalo’t isa ang mga Heswita sa nagpapalagap ng kristiyanismo sa lugar nang magmisyon si Jesuit Priest Fr. Juan de Torres noong 1596.
“The legacy of Talibon’s Catholic heritage is not lost on JesCom, which has taken an active role in supporting the cathedral’s restoration by assisting in the staging of the benefit concert meant as a beacon of hope to rally support for the rebuilding efforts,” ayon sa pahayag ng Jesuit Communications.
Sa pagmimisyon ni Fr. Torres sa Talibon pinaigting ito ang pagpalaganap ng pananampalataya at ibinahagi mga turo ng simbahan ayon sa karisma ng mga Heswita na naging daan sa pagkatatag ng Most Holy Trinity Cathedral Church noong 1729.
Itinakda sa July 15, 2023 ang benefit concert sa alas siyete ng gabi na gaganapin sa President Carlos P. Garcia Multi-purpose Center.
Ilan sa mga magatatanghal ang Jesuit Music Ministry kabilang sina Jay Gomez, Toto Sorioso, Rey Malipot, and Michelle Ching-Dungo, kasama si John Basil Dungo ng Bukas Palad Music Ministry, JesCom Associate Director Fr. Ro Atilano, SJ.
Gayundin ang Catholic Comedian Romar Chuca, world-renowned Loboc Children’s Choir, mga local artist ng Talibon at Jeduthun Singing Priests ng Bohol.
Umapela ang JesCom sa mamamayan na suportahan ang konsyerto sa kapakinabangan ng mananampalata sa pagsasaayos ng katedral.
Ang ticket ay nagkakahalaga ng 200 piso hanggang limanlibong piso at maaring makipag-ugnayan kay Jennifer Pojas sa 0917-7061771 o kay Restilou Artiaga sa 0939-1989371.