3,958 total views
Ikinadismaya ng BAN Toxics ang paglaganap at pagbebenta ng mga produktong may sangkap na mercury o asoge sa social media platform na Facebook partikular na sa marketplace.
Ayon kay BAN Toxics campaigner Thony Dizon, patuloy pa rin ang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto sa kabila ng mga panuntunan laban sa mapanganib na mercury.
“Facebook should adhere to its community standards to make it a safe and mercury-free online platform to protect the people from harm and exposure to toxic mercury,” pahayag ni Dizon.
Sa online market monitoring ng grupo, naitala ang hindi bababa sa 18 sellers ng liquid mercury, habang higit 500 sellers naman sa produktong pampaputi na pawang ipinagbabawal sa ilalim ng Chemical Control Order for Mercury and Mercury Compounds ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kontrolado ng Food and Drug Administration (FDA).
Iminungkahi ng BAN Toxics sa Facebook na suspendihin at tanggalin ang mga nagtitinda ng mapangib na kemikal upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko, at isulong ang safe social media environment para sa mamamayan.
“This should send a reminder to Facebook and other online shopping platforms such as Lazada and Shopee to strictly monitor and proactively take down postings/ads and suspend the accounts of online sellers that go against the existing regulations in the country, to safeguard the safety of the consumers from toxic exposure to mercury,” paalala ng grupo.
Batay sa pagsusuri ng World Health Organization, ang paglanghap ng singaw ng asoge ay nagdudulot ng masamang epekto sa nervous, digestive at immune systems, baga at kidneys, na maaaring humantong sa pagkasawi.
Taong 2020 nang pinagtibay ng Pilipinas ang Minamata Convention on Mercury, na pandaigdigang kasunduang naglalayong bawasan at alisin nang tuluyan ang mga gawain ng tao na pinagmumulan ng pagbubuga ng asoge sa kapaligiran.
Sang-ayon naman ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, gayunman, kinakailangang matiyak na ang negosyo nito ay walang masamang epekto sa kalusugan ng mamamayan at kalikasan.