1,931 total views
Ikinalugod ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection National Headquarters ang pagdalaw ng pilgrim image ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag.
Ayon kay BFP Chief Chaplain Fr. (FSSupt) Randy Baluso, T’OCarm, DSC, ito ay paalala sa bawat isa lalo na sa mga kawani ng BFP na ang Mahal na Ina ay laging nakaantabay at gumagabay tungo sa landas ng kanyang anak na si Hesus.
Sinabi ni Fr.Baluso na ito ay magpapaigting sa pananampalataya ng mamamayan lalo na sa uri ng gawain ng BFP na naglilingkod sa kapakanan at kaligtasan ng pamayanan.
“Ang pagbisita ng Our Lady of Manaoag dito [sa BFP National Headquarters] it will boost the faith of the faithful especially the member of Bureau of Fire Protection; the importance of the visit will bring us the understanding that there’s also the Virgin Mary to guide us in our ways and in our journey especially keeping us our desire to be near to Jesus,” pahayag ni Fr. Baluso sa panayam ng Radio Veritas.
Tinuran din ng pari ang magandang pagkakataon na dumalaw ang Mahal na Ina kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng huling pagpapakita nito sa tatlong bata sa Fatima Portugal noong 1917 gayundin ang pagdiriwang sa buwan ng Santo Rosaryo.
Binigyang diin ni Fr. Baluso na ito rin ay isang paanyaya sa bawat isa na patuloy magdasal ng Santo Rosaryo na isa sa mga inihabilin ng Mahal na Birhen upang makamtan ng mundo ang pagbubuklod at kapayapaan lalo’t kasalukuyang naranasan ang mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ayon naman kay BFP Post Catholic Chaplain Fr. [FSInp] Raymond Tapia ang pagdalaw ni Apo Baket sa BFP ay mensahe ng Panginoon sa mamamayan na ito ay laging kapiling sa anumang oras at panahon sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng sanlibutan.
“Tayo ay pinaalalahanan na ang Diyos ay tapat sa kanyang pangako na Siya ay dadalaw sa buong bayan; Sa pagdalaw ng Mahal na Ina kami ay pinapalahanan na siya ay nasa piling namin dumadalaw nagpapaaalala na ang kaligtasan, kapayapaan at kapanatagan ay walang iba kundi galing sa Diyos,” ayon kay Fr. Tapia.
Pinangunahan ni Fr. Baluso ang welcome mass kay Apo Baket kasama sina Fr. Tapia, Manaoag chaplain Fr. Bienvenido S. Trinilla, Jr., OP, at Fr. Joe Cynt Aunzo sa Holy Family Adoration Chapel na dinaluhan ng mga kawani ng BFP at mga deboto ng mga karatig tanggapan.
Tiniyak ng BFP Chaplain Service ang pagpapaigting sa mga gawaing magpapaunlad sa espiritwal na buhay ng mga kawani ng BFP upang maisakatuparan ang sinumpaang tungkuling tagapagligtas ng buhay at ari-arian ng mamamayan.